Thursday, January 23, 2014

Ang tracking operations: Ang pusang dinadaga (Leadership Experience Part 16)


October 3, 2000 (Bgy Lati, Talipao, Sulu)


Matindi ang kasayahan ng mga tropa ng 59th Infantry Battalion dahil sa pagka-recover ng lahat na mga miyembro ng Jesus Miracle Crusade sa gabi na iyon.

Bilang main effort, nasa kanila ang bragging rights sa naturang accomplishment. Bawas nga naman sa tinik sa aming dibdib ang pagkakuha ng mga hostages na iyon. 

Mahirap din kayang makipagbarilan sa kaaway na merong iniisip na inosenteng nilalang na nasa gitna ng crossfire. Minsan, walang pinipili ang bala, lalo na ang grazing fires ng machinegun na iniraratrat ng gunners para makapag-maneuver ang ibang teams.

Para sa akin, dapat maparusahan talaga ang mga bandido sa kanilang mga kabulastugan. Humahaba ang listahan ng kanilang mga kasalanan sa bayan lalo na sa mga kapwa nilang Muslim na nadadamay sa pang-aalipusta ng ibang ignoranteng mga Kristiyano na nilalahat pati ang mga mababait na mga residente doon.


Tantya ko na ang diskarte ni Robot. Panay salita rin lang at hindi matapang ayon don sa mga public statements nya. Kung tunay siyang matapang, dapat lumaban ng harapan at di magtampisaw sa putikan ng mangroves para makaiwas sa amin.


Nag-aantay akong dalawin ng antok habang iniisip ko kung saan posibleng magtago si Robot. Nilalagay ko ang sarili ko sa kanyang kalagayan. Alam nyang marami na kaming nagdatingan don sa lugar.

Kung iniwan nila ang hostages sa mangroves, maaaring magtago lang sila doon pa rin sa loob ng bakawan. Halos dalawang kilometro ang haba ng area na merong masukal na bakawan. 

Taktika sa bakawan

Minsan ko nang naranasan ang mag-operate sa mangroves ng Bulansa, Bulan-bulan at sa Canibungan sa Basilan. Alam ko ang kanilang taktika na gumagawa ng kawayang tulay para ipangtawid papunta sa mga mababaw na lugar. Ginagamit nilang patungan ang mga sanga ng mangrove. Once makatawid, hinihila nila ang tulay na kawayan at ayon, di mo na matukoy kung saan sila pumunta. 

Noong March 1998, nang nagtago ang iilan sa mga Abu Sayyaf na pinamunuan ni Abdurajak Janjalani sa gitna ng masukal na bakawan sa Bulansa, pinagpraktisan namin sila 60mm mortar at M203. Nang mag-clearing operations ang tropa, wala kaming inabutan dahil meron pala silang mga bangka na kayang sumuot-suot doon sa kasukalan, pinapadaan nila sa mga lugar na tila ay maliit na waterway na malalim. In short, naisahan kami pero nakapulot kami ng aral. 

Naisip ko rin na maaari din silang umahon sa dalampasigan para magtago sa gubat. Kung magtagal sila sa mangroves (bakawan), marami silang problema. Mauubusan sila ng tubig. Kung high tide, magmukha silang unggoy na magkunyapit sa mga puno para hindi mabasa. Posible rin talagang umahon lalo na at ilang araw na rin pala silang nagtatago sa loob ng bakawan. 

Sa totoo lang, inis na inis ako sa grupo nina Robot at Abu Sabaya. Gustong-gusto ko silang tirisin, maisip ko lang ang mga pinagri-reyp nila. Naalala ko ang mga pinugutang ulo na mga sundalo ng 32nd SF Company sa Lantawan, Basilan noong July 2000. Brutal sila at talagang walang awa.

Maliban pa doon, sila rin ang dahilan kung bakit ang aking pancit Molo ay naging pancit Jolo! Nakatulog ako na si Robot ang laman ng isipan. 

'Gusto mong mamatay?'

Mga alas singko kinaumagahan, nagising ako sa aking pwesto dahil naulinigan ko na me kumalansing na canteen cup. 

Nakita kong pinitik ng isang NCO ang tenga ng Private na sanhi ng ingay. Pabulong nya itong pinagalitan.

"Psssst! Gusto mong mamatay?"

Mortal sin kasi sa amin ang gumawa ng kaluskos. Sa Ranger School, maaaring push-up lang o kaya failing grade lang ibigay sa Patrol Leader kung maingay ang mga subordinates na dala. Kung sa field at sa totoong buhay, si Satanas ang mag-grade sa amin kapag mag-iingay kami ay maratrat ng kalaban. Iyon ang dahilan kung bakit mahigpit kami sa paggamit ng apoy, guard posting at sa tactical movement kasi buhay ang kapalit. Walang retakes kundi report agad kay Satanas kapag mamamatay. 

Kasama kasi sa aming technique ang tinatawag na Stand To. Pag dumarating ang tinatawag na BMNT (Beginning Morning Nautical Twilight) o kilala sa tawag na 'agaw liwanag', mag-freeze ang lahat for 3-5minutes para pakinggan ang paligid kung merong mga kaluskos at me mga kakaibang behaviour patterns ng mga hayop kagaya ng mga ibon. Sa oras ding ito, malayo ang inaabot ng tunog ng isang bagay na kakaiba sa karaniwang tunog sa gubat. 

Dahil dyan, tila titirikan ka ng kandila ng mga NCOs kung ikaw ang nag-iingay. 

Tracking patrol

Dakong alas-sais ng umaga, nagdeclare na ako ng chow time para makapaghanda na sa aming movement. Humigit kumulang din sa 20 minuto naming pinagpyestahan ang bahaw na kanin at ang sardinas na karaniwan naming ulam. 

Ibinigay sa akin bilang AO ang kasukalan sa kanlurang bahagi ng Bgy Mabahay. Sa hilagang parte naman ay andon ang 20SRC na pinamunuan ni Lt Sam Yunque.

Ang ibang mga kumpanya ay binigyan din ng kanya-kanyang AO (area of operations) ngunit supporting distance lang kami sa layo na 500 metro. Kanya-kanya kaming patrol sa sarili naming AO at tulungan na lang kung kailangan.

Ang paglalagay ng phase lines sa tactical map ang magsigurado na alam ng bawat unit ang outer limits ng ibinigay na AO. Dito naman nagagamit ang aming kaalaman sa map reading at terrain analysis at pati navigation techniques.  

Sa palagitnaan ng Bgy Buhangin Puti at Bgy Mabahay, matatagpuan ang magubat pang lugar na humigit kumulang sa 5 ektarya. Meron din namang bahagi nito ang kinalbo na ng mga residente at panay cogon lamang ang nakikita. Ito yong nakita ko sa teleskopyo kahapon nang kami ay dumating sa Bgy Lati. 

Para makakita ng 'indications' sa area, ginagawa namin ang reconnaissance and security (R&S) technique. Inihihinto ko ang patrol sa isang defensible terrain bilang rally point, tapos magsama lang ako ng 2 teams para magpaikot ikot sa lugar gamit ang patterns of movements kagaya ng fan method at box method. 

Mabato ang gilid ng dalampasigan ng Mabahay at masukal naman ang bakawan nito. Nang pinasilip ko ang dalampasigan, walang nakitang traces dito. Kung meron man, maaaring nabura ito sa high tide. Wala rin palatandaang merong nasaging sanga o balat ng kahoy sa bakawan. Ang natirang posibilidad sa aking estimate, ay malamang nakapuslit sila sa papunta sa gitna ng sukalan at maaaring naka-iskyerda na ang mga ito patungo sa ibang lugar.

Mga 200 metro na ang nailayo namin mula sa rally point nang makita kong nagtaas ng kamay si Pfc Raymund Dumago na syang Lead Scout noon. Ang signal nya ay open hand: Halt!

Nang nagsenyas nang patapik sa kanyang balikat, lumapit na ako. Ang ibig sabihin nya ay "Patrol Leader, come to me".

Nang lumapit ako, itinuro nya sa akin ang isang partly opened na maleta na me nakalabas pang iilang damit. Hmmm. Maleta sa kasukalan. 

Nagsenyas naman ako ng short halt at post security. Kaya naming magkaintindihan na hindi nagsasalita. Me sarili kasi kaming sistema ng sign language na tila pang pipi at bingi.

Uminit na naman ang tenga ko at tumatagaktak ang pawis sa aking ulo. Feeling ko merong nanonood sa amin. 

Nang pinabuksan ko ang maleta, nakita ko na kalahati na lang ang laman na damit. Nagmamadali ang kumuha nito kasi tila pinaghahablot lang ito mula sa loob. Di na nya nagawang buksan nang buo para madali lang sana.

Gamit ang aming PRC 77 radio, tinawagan ko ang aking mga kasamahan sa rally point. Kailangan ko na silang dumugtong sa akin. Mahirap na at baka marami ang nasa paligid.

"Striker this is Cyclops Six, Over. Link up tayo. Stationary kami sa present grid location. Move 100 meters west. Ipasalubong ko kayo pagdating sa short halt."

Di kalaunan, matagumpay kong nailink up ang aking tropa at nagbigay ako ng FRAG-O (Fragmentation Order).

"Palitan tayo ng pag-conduct ng reconnaissance patrol. Andito lang sa paligid ang kalaban ngunit hindi pa tiyak saan ang kanilang direction at kinaroroonan. Sgt Fernandez, ikaw ang magdala sa patrol dala ang dalawang Teams. Kami ang mag secure sa ating bagong rally point."

Tiwala ako sa aking mga NCOs. Lagi na kaming nagdrill ng ibat-ibang klaseng patrolling missions. Pagkakataon na rin ito na ma-assess ko ang kanilang kakayahan na pangunahan ang patrol na wala ako. 

"Box method ang gagawin nyo. I-hit nyo itong sukalan at lumakad ng 150 metro bawat leg ng box. Kung dumaan sya sa paligid ng area na yan, matutumbok nyo ang kanilang mga apak. Iwanan ang lahat ng combat packs, maliban sa mission essential equipment," bilin ko sa tatlong NCO na magdadala sa patrol na sina Sgt Fernandez bilang Section Leader at ang dalawang Team Leaders na sina Cpl Cyborg at si Cpl Panganiban.

Pagkatapos ko naman, pinabayaan ko si Sgt Fernandez na magsagawa ng sarili nyang briefing sa kanyang mga tauhan samantalang inaaral ko naman ang mapa kung saan naman posibleng merong tubig. Dalawang araw na lang itagal ng tubig namin, kailangan naming makapag-resupply ng tubig. Malayo na rin ang  niyugan na pwede pangsabaw. Nagdasal ako na makahagilap ng water point sa dalampasigan o kaya sa gitna ng gubat.

Di kalaunan, nag-advice si Sgt Manalastas sa akin na nakaalis na ang section ni Sgt Fernandez. Pina-extend ko naman ang aming security perimeter at nanatili ako sa gitna para magmonitor sa radyo sa kaganapan. Ni-require ko sila na mag-report ng grid locations every short halt. 

Halos isang oras ang nakalipas, nasa ilalim na sila ng sukalan at nakita ko na sila ay humigit kumulang na 300 metro na air distance mula sa akin. Me nakita daw sila na trail pero matagal na raw dinaanan. Me nakikita raw sila na kubo sa gilid lang ng sukalan.

Mamaya lang, malutong na mga putok ang aking narinig:

"Pak! Pak! Pak! Pak!"

"Bratatat! Bratatatat!" Niraratrat sila ng kalaban.

Tinatawagan ko agad si Sgt Fernandez. 

"Pangga, ibigay mo ang present location at ang position ng kalaban!"

Putol-putol na signal ang narinig ko. Panay 'Ser' lang naiintindihan ko. Kainis talaga kung minsan ang Vietnam era naming radio. Kung kelan emergency saka naman dispalinghado!

Tiningnan ko ang kanilang latest location na ibinato sa radyo. Dahil papunta sila ng eastern direction, may estimated grid location na ako nila.

"Napapukpok na sila. Prepare ang isang section, sumabay sa akin! Tawagin ang mga Team Leaders!"

Nang maipon ang mga NCOs sa aking harapan, parang nakakita ako ng multo. Nasa harapan ko si Cpl Cyborg na dapat kasama sa patrol!

"Uyyyy, bakit ka andito?" 

Nakita nyang nanlilisik na ang mata ko sa galit. Mas kakatakot pa ata ako sa Abu Sayyaf sa oras na yon. 

"Sir, hindi ako sumama sa patrol. Andon naman ang assistant Team Leader ko!"

Parang umakyat ang dugo ko sa ulo. Sobrang galit ko. Sa paningin ko, me duwag sa harapan ko. Galit ako sa mga duwag. Bilang Commander, dapat ipinaalam sa akin kung ayaw pala nya sumama sa patrol. Leaders must be responsible, plain and simple. 

"Sanamagan! Wala pang putukan, nang-iwan ka na! Dinadaga ka ba?" 

Naririnig ko ang patuloy na putok. Mas importante sa akin ang buhay ng mga tao ko kaysa inis ko. Nabahala ako kasi ang isang team ay walang Team Leader at ang karamihang miyembro ay ang aking parada boys mula sa Army Headquarters. 

"Kayong two teams kasama ko. Head nortwest, 200m. Pumutok lang kung mamukhaan ang target. Iwasan ang crossfire!"

Dapat kong kontrolin ang lahat at baka magka-fratricide, kami-kami ang magkabarilan. Sa likod ng Lead Scout na ako nag-pwesto.

(Ipagpatuloy)  





2 comments:

  1. natatawa at nalulungkot sa pagbanggit nyo sa vietnam era na radio equipment nyo. sana naman bigyan ng maayos at bagong kagamitan ang special forces sa gayong makabago na rin ang mga gamit ng mga masamang elemento. hindi maipagkaila na isa sa mga key elements para magkaroon ng successful operation ay ang efficient na kagamitan.

    ReplyDelete
  2. akoy nagpupugay sa iyong katapangan at pagiging effective leader sir. kami poy uma asa sa balang araw kayo ang maupo at mailoklok sa mataas na pwesto sa hukbong sandatahan ay mabigyang pansin at matugunan ang mga kakulangan sa gamit at logistics supports sa mga military operations. sa paraan na itoy maiwasan o mabawasan ng husto ang pagbuwis ng buhay ng ating kasundalohan dahil sa sirang gamit at kakulangan sa nauugmang supporta.

    ReplyDelete

Sponsor