Sunday, January 19, 2014

Ang Jesus Miracle Crusade: Ang 'Guests' ni Commander Robot (Leadership Experience Part 15)



Screen shot ng clippings na ibinandera ng Jesus Miracle Crusade sa kanilang website na kung saan ay ipinakita nilang mga 'guest' lamang diumano ang 13 miyembro kasama si Wilde Almeda na pumasok sa kampo nina Commander Robot noong July 2000. Humigit kumulang sa 3 buwan silang naging 'guest' sa kamay ng mga bandido hanggang sila ay napakawalan dahil sa military pressure ng 104th Brigade na aming kinabilangan noong October 2, 2000.

Habang abala kami sa paghahalughog ng kagubatan ng Indanan, Samak at Bandang, namonitor ko sa radio transmissions ang isang engkwentro at ang pagkamatay ng dalawang sundalo ng 59th Infantry Battalion na syang naiwan sa Sitio Lubuk, Bgy Mabahay sa bayan ng Talipao. Kabisado namin ang lugar pagkatapos ng nauna naming patrolling missions dito noong pagdating namin sa Sulu noong September 16.

Marami akong kakilalang sundalo sa 59th IB dahil nadestino ako sa Mindoro noong 1999 nang ito ay naka-deploy naman doon bilang 49th Infantry (Recon) Battalion. Kaya naman ay normal na sumasagi sa aking isipan, sino na naman sa tropang aking kakilala ang nalagas. Mas masakit kasi sa kalooban kapag may mukha na naisasalarawan sa aking isip ang mga biktima ng karahasan na mga sundalo.

Don ko napag-isipan na merong ibang grupo ng Abu Sayyaf ang nananatili sa Mt. Mahala-Lubuk-Buhangin Puti complex, samantalang ibang grupo naman ang aming nababakbakan sa bahagi ng Tandu Patung, Indanan at mga karatig lugar ng Talipao kagaya ng Samak at Bandang. 

Halimbawa, kilalang taga Indanan ang kagaya ni Kumander Doctor Abu na nasa Karawan-Makam complex. Parehas silang nagpapakilala nina Robot bilang mga Abu Sayyaf ngunit wala naman talaga silang pormal na listahan ng miyembro. Ika nga eh, 'sabi-sabi' lang. 

Monitored din naman namin na ang iilan sa nagpakilalang Abu Sayyaf ay me dala-dala ring identification cards ng MNLF o kaya ng Sultanate of Sulu Royal Security Force. Diskarte-diskarte lang talaga.

Strike anywhere

Nasa kasagsagan kami ng tracking operations sa Bgy Langto sa umaga noong October 2, 2000 nang matanggap namin  ang isang urgent radio message mula sa LRB.

Alam ko na maaaring sa ibang lupalop na naman ang aming abutin. Walang problema sa amin yon. Kaya nga Scout Ranger: Strike Anywhere!

"Prepare for entrucking towards Talipao proper. Kaninang umaga lang, me nakuhang isang miyembro ng Jesus Miracle Crusade kaya tutulong tayo sa search and rescue operations sa natirang mga miyembro nila," sabi ni Lt Col Roberto Morales, ang soft-spoken naming Battalion Commander.

"Estimated time of departure from Bgy Pantao is at 1200H. You know what to do!"

Ganon kami kasimple magbigay ng W.O. (warning order). Kumpleto na kasi kami sa SOP (standard operating procedures) at dahil sa training at experiences, alam na dapat ng mga opisyal at mga NCOs ang kasunod na action para sa isang misyon. Ang tawag doon ay Troop Leading Procedures (TLP). 

Iisa lang naman ang binigyang diin ko sa aking ibinigay na mission briefing sa aking mga NCOs. Naalala ko ang mga niyog ang ginamit naming pangsabaw. Yucky kadiri na kasi ang pagkain pag araw-araw na lang ganong manamis-namis na maasim-asim ang lasa.

"Tandaan nating walang water points doon sa dati nating AO (area of operations). Magdala ng extra water supplies. Hindi natin alam hanggang kailan tayo doon kaya damihan ang tubig."

Sa Langto naman ay walang problema ang tubig. Napakaraming mga maliliit na batis at napakalinaw ng tubig na umaagos. Kung walang makitang water points ng komunidad sa lugar na aming pinag-resuplayan, sa ilog na kami lumalagok ng tubig. Di kasi kami kasing sensitive sa mga sundalong Kano na kailangan pang magdala ng tig 20 litrong mineral water sa 5 day combat patrol. Live off the land ang sundalong Pinoy.

Naka-checklist naman lahat ang mga 'how to' at 'what to' na mga gagawin sa mission kaya madali lang sa amin ang preparasyon. Isang sabi ko lang sa mga NCOs at sila rin sinisingil ko sa katuparan ng mga instructions. 

Ideally kasi, "NCOs run the affairs of the unit". Alangan naman pati minutest details kagaya ng pagtingin kung malakas pa ang baterya ng GPS at radyo o kaya ang completeness ng mission-essential equipment ay pakialaman ko pa mismo. Micro-manager tawag sa mga ganon. Ganon ang kagawian ng mga laking garrison na opisyal (Santolan Warriors) na nadedestino sa field bilang commander.Kainis naman talaga ang mga micro-managers.

Jesus Miracle Crusade: The Prayer Warriors

Sa totoo lang ay naiinis kami sa grupo ng Jesus Miracle Crusade na pumasok sa kuta nina Commander Robot sa Bgy Samak noong July 1, 2000. Mantakin mo ba namang i-'pray over' daw nila ang mga foreign hostages! Ano kaya yon?

Alam namin sa military na posible silang i-hostage lalo na at talaga namang halang ang kaluluwa ng mga bandidong iyon. Hindi sila tunay na Muslim dahil panay kahihiyan sa Islam at sa mga Tausug ang kanilang idinulot. Imagine mo na lang ang mga na-rape at pinugutan ng ulo na mga biktima. Nakakahiya ang kanilang asal. Kaya nga bandido eh.

Marami na rin kasing mga nagtiwala na mga taga media ang na-hostage sa mga panahong iyon kagaya ng mga French journalists at ang taga ABS-CBN na sina Maan Macapagal at Val Cuenca. Natural, walang kinikilalang International Humanitarian Laws ang mga bandido dahil panay utak pulbura ang mga iyon.

Kampanteng mag-milagro si Hesus sa kanilang aksyon, pumasok sila sa kuta pagkatapos magbayad diumano ng tatlong libong dolyar at nagbitbit din sila ng mga bigas. 

As expected, naging hostage sila ngunit tinatawag naman diumano silang 'guests' nina Galib Andang at Mujib Susukan. Sa ganong pangyayari, expected na rin na madismaya kaming mga sundalo dahil sa amin ang bagsak ng dagdag na responsibilidad.

Sa madaling salita, nadagdagan ang sakit ng aming ulo noong naging hostage na sila. Interestingly, dahil sa milyon-milyong dolyar na ibinayad ni Muammar Qaddafi para sa mga foreign hostages, napakawalan sila. Monitored din naman ang mga 'kalakaran' nila sa mga 'negotiators' kuno na syang nagdadala ng sandamakmak na pera doon sa kuta ng mga bandido. Iyon ang isa sa pinag-aawayan nina Commander Nandi at Mujib Susukan.

Noong mga panahong iyon (September-October 2000), tanging ang mga Malaysians ang natitirang foreigners na hawak ng grupo. Nanatiling 'guest' ng damuhong si Robot ang mga 'prayer warriors' kahit pa man na-release na ang mga Sipadan hostages na nabayaran na ng ransom.

Sa totoo lang, kung 'guest' talaga sila, dapat pinauwi na sila pagka-release ng mga banyagang bihag. Syempre, dahil sa mga gahaman sa pera ang mga bandido, kailangang ipa-ransom na rin ang mga 'prayer warriors'. Dahil tila ay wala nang kagaya ni Qaddafy ang naglalabas ng pera para sa kanilang ransom,  patuloy silang dinadala ng mga bandido kahit saan sila nagtatago sa mga kasukalan para iwasan ang libong sundalo na nakadeploy doon.

Ganon pa man ay responsibilidad pa rin namin na ma-rescue ang grupo ng JMC. Kakaawa ang kanilang sitwasyon. Siguro naman ay napakalinis ng kanilang intensyon na makatulong sa pagpapa-release sa mga hostages. Nagkulang lang sila sa pag-unawa sa tunay na anyo ng mga bandido. Ang totoo kasi doon, walang kinikilalang Diyos,  at walang takot sa nag-iisang Diyos ang mga teroristang iyon. Therefore, impractical na gamitan mo ng dasal ang ganong klaseng tao. Karagdagan pa doon, merong natural na galit sa mga Kristiyano ang mga bandido na mana-mana pa sa galit nila sa mga Espanyol na sumugod at pumatay sa kanilang mga ninuno simula pa noong 1600s.  

Ang pagbabalik sa Talipao

Nang mag-disembark kami sa military trucks na nagdala sa amin sa Talipao proper dakong ala una, kinausap kong muli ang aking mga tauhan.

Pinapaalala ko sa kanila ang mga SOPs at pati ang mga pagkakamali namin sa una naming pagpasok sa naturang lugar. 

"Ang daanan natin ngayon ay parehas na ruta ngunit sa kasukalan tayo mag-approach. Nasa paligid lang ang mga bandido at hindi natin alam kung makakasalubong natin sila."

Leading elements uli kami sa lakad na iyon. Mabagal ang aming movements kasi sobrang ingat ang aming lakad. Hirap na kasing ma-ratrat ng kalaban kapag nasa unahan ng patrol.

Dakong alas tres ng hapon ay nasa Bgy Lati na kami. Ito ay humigit kumulang na isang kilometro mula sa Bgy Mabahay. 

Itinawag ko sa adjacent unit ang aming pagdating. Nakausap ko ang TCP ng 59IB na pinamunuan ni Lt Col Ed Pangilinan na noon ay abala sa monitoring ng rescue operations.

"Sir, advice ni Batcom, manatili daw kayo sa Bgy Lati. Mag-block kayo dyan habang ipinagpatuloy namin ang rescue operations," sabi ng kanilang S3. 

Ibinato ko naman ang instructions sa aming TCP sa LRB at sa aking mga kasamang companies. 

Overlooking sa aming pwesto ang napakalawak na mangrove areas sa bandang Lubuk, Mabahay at sa Buhangin Puti. Sa gilid naman ng dalampasigan ay meron pang sukalan at mga makahoy na lugar ngunit mas malawak ang kogonan sa pagitan ng aming pwesto at sa gilid ng dagat. Sa aking estimate of the situation, nasa gilid lang ng dagat o kaya sa mangrove areas ang mga bandido at ang natitirang mga hostages na miyembro ng JMC. 

Bandang alas kwatro ng hapon, nakikita naming umiikot ang isang Huey chopper sa mangrove area. Mababa lang ang lipad nito na tila ay may hinahanap. 

Nang nakikiusyoso ako sa radyo ay naghahanapan sila ng opisyal na nagbibigay ng direction tungkol sa HLZ (helicopter landing zone). Ewan sinong me problema ngunit napakadali lang naman dapat ang air-to-ground operations (AGOS). Ang dapat na reference sa pag-guide nito ay ang nguso mismo ng chopper bilang 12 o'clock na direction.  

Nang ma-monitor kong kukunin na ng helicopter si Fernando Solon, ang naka-escape na miyembro ng JMC, pumunta ako sa HLZ para sya ay kausapin. 

Nakita ko na sobra syang payat at nangangamoy dagat at panis dahil tila ay hindi ito nagpalit ng damit sa loob ng isang buwan. Nakakaawa sya ngunit in high spirits. Tinanong ko sa kanya ang mga impormasyon na magagamit ko sa aming future operations. 

Ayon sa kanya, higit kumulang sa 15 na Abu Sayyaf ang nagbabantay sa kanila. Wala na raw si Robot don.

Pagkatapos daw ng engkwentro iilang araw lang ang nakaraan, nagtatago na sila sa mangrove area dahil panay patrol na ng mga sundalo sa kalupaan sa paligid ng Mt Mahala at Lubok. 

Grabe daw iwas-iwas nila sa artillery fires. Kung saan bumagsak ang bala ng kanyon, pinupuntahan nila ito para doon naman mag-pwesto. Napansin daw nila na sa ibang lugar naman ang pinapabagsakan ng kanyon.

Magtakip-silim na noon nang na-monitor namin ang isa pang balita: Nakita na rin ang natitirang 12 miyembro ng 'Prayer Warriors'. 

Habang merong umiikot na helicopter sa taas ng kanilang posisyon, iniwanan sila ng mga bandido sa di malamang kadahilanan. Binuhat ng grupo si Wilde Almeda, ang kanilang pinuno palabas sa bakawan na kanilang pinagtaguan.

Nang nakita ko naman si Almeda, nakakaawa ang kanyang hitsura. Nanginginig sya sa lamig. Binigyan sya ng isang tropa ng tuyong damit. Sa paligid nya ay napapaiyak sa tuwa ang kanyang mga kasamahan. 

"Salamat sa milagro ni Lord Jesus Christ, nailigtas kaming lahat. Maraming salamat po sa inyo lahat," wika ng isa sa kanila na isang Ilonggo.

Tinanong ko naman kung nasaan ang mga Abu Sayyaf na nag-abandona sa kanila. 

Ipinang-turo nya ang kanyang nguso dahil hawak nya ang nanghihina na kanilang lider na si Almeda.

"Don po!" 

Sinundan ko ng tingin ang nguso nya na itinuro sa direksyon ng mangrove area. 

"Ahaaaaaaa! Malintikan kayo sa akin mga demonyo kayong Abu Sayyaf. Di namin kayo tatantanan dyan! Grrrrrrrrrrrr!"


(Ipagpatuloy)


No comments:

Post a Comment

Sponsor