Sunday, January 26, 2014

Troop reinforcement sa aking mga parada boys (Leadership Experience Part 17)




Habang patuloy ang palitan ng putok ang aking recon elements at ang mga bandidong Abu Sayyaf mga 300 metro lamang sa aking kinaroroonan, tumitindi ang aking pag-alala dahil hindi ko sila nakakausap tungkol sa kanilang kalagayan. Mas inaalala ko kung ano ang naging reactions ng mga 'parada boys' ko lalo na yong Team na hindi sinamahan ni Cpl Cyborg. Baka nagkawindang sila!

Sa mga pagkakataon na iyon, dumadami ang mga information requirements na kailangan kong masagot:

  • Me natamaan ba sa aking recon elements?
  • Napanatili ba nila ang unit integrity at lumaban as teams?
  • Gaano kalaki ang grupong nakasagupa?
  • Ano ang estimated grid location ng kalaban? 


Sa mga panahong iyon, walang silbi ang kanilang PRC 77 radio dahil putol-putol ang transmission mula sa aking kausap na Platoon Sergeant. Sa aking panig, sigurado akong gumagana ang dalang radio ng aking Radio Man na si Cpl Cuevas kasi nakakausap ko naman ang katabing 20th SRC. Bilang SOP, parating 10-ft antenna ang naka-install dito kapag merong lumalabas na patrol, samantalang 'whip antenna' naman ang ginagamit sa mga patrolling elements.

Ang nakakainis pa don ay wala rin kasi kaming issue na hand-held radio na magagamit din sana as alternate mode of communication. Kung tutuusin, ang PRC 77 ay ginagamit na inter-platoon communications at merong maliliit na radio na ginagamit sa bawat Teams bilang 'intra-platoon' (sa loob ng platoon) communications para mas mainam ang command and control.  Dahil doon sa kakulangan, nabuo ko ang diskarte paano ko sila ma-reinforce na hindi kami-kami ang magkakaputukan. 

Dahil sobrang malapit ang location nila sa akin, hindi ko na kailangang gamitin ang 'crack and thump' technique sa pag-estimate ng kanilang location. Sa pakiramdam ko ay halos split second lang ang pagitan ng haging ng bala sa aming ulunang bahagi at ang putok nito sa pinanggalingang muzzle. 

Sa aking ginawang contingency plan, ilapit ko ang aking tropa ng humigit kumulang ng 100 metro mula sa estimated location ng aking tropa, at subukan kong mag-reestablish ng contact. Ito ay isang napakahalagang bahagi ng techniques,tactics and procedures (TTPs) ng link-up operations na itinuturo sa amin sa Ranger School.

Mabilisan ang aming lakad sa mga panahong iyon. Ayaw naming mapugutan ng ulo ang aming kasamahan sakaling nalagay sila sa alanganing terrain. Ang ginagawa kasi ng Abu Sayyaf ay pinapaikutan ang nakakalaban na tropa lalo na kung bano itong bumaril at hindi nagma-maneuver. Kung mapansin nilang naka-MR (nerbyosong nakatago sa covered position) na lang ng bato o puno at ayaw nang umalis doon, ginagawa nila itong pagkakataon upang isakatuparan ang 'pintakasi'. Para sa akin, di uubra ang ganon. Bulok na istilo na yon na amin na ring napag-aralan sa Basilan. 

Mga 30 minuto ang lumipas, nakikita namin ang dulo ng sukalan. Nakita ko ang kogonan at ang dati kong pinagpwestuhan sa Bgy Lati mga kalahating kilometro ang layo. Nagkaroon ako ng 'picture of the battlefield'. 

Nagpatawag ako ng security halt para subukang muli ang pagkontak sa engaged elements. 

Mamaya-maya lang, narinig din namin ang boses ni Sgt Fernandez sa kabilang linya. Hinihingal syang sumasagot sa akin. 

"Sir, nasa gilid ng kogonan ang aming pwesto. Meeting engagement ang nangyari. Walang natamaan sa amin. Galing dito sa aking grid location, ang pwesto nila ay 85 degrees, sa layong 100 metro."

Agad kong minarkahan sa aking mapa ang posisyon ng kalaban with respect sa position ng friendly forces. 

"Nasa gitna natin sila Pangga! Wag kayong pumutok at lalapit kami. Manggaling ako sa iyong 5'o clock. Take cover kayong lahat at i-clear ko ang encounter site."

"Pangga, bilang dagdag reference, nakikita mo ba ang kubo na may puno ng papaya? I-identify mo at i-describe mo ito." 

"Roger sir, kubo na kogon ang bubong at may dalawang puno ng papaya. Ito ay nasa aking 3'o clock," sagot ni Sgt Fernandez.

"Okay, nakuha mo. Galing ako sa mismong sukalan sa south ng kubong yan. Kung puputok kayo, wag lumampas sa kubo nyan kasi kami ang matatamaan. Abangan ang makikitang tatakas sa bandang north."

Mabilisan kong binigyan ng instruction ang aking mga Team Leaders. 

"Mag-move tayo papuntang north at ang initial LOA (limit of advance natin ay ang kubo na iyan. Ang ating kasamahan ay nasa 100m northwest ng kubo na may papaya. Wedge formation ang bawat teams, 5 metro bawat elements,  at magkatabi lamang sa pagitan na 10 metro. Ang kalaban ay malamang nasa harapan lang natin nakatago, sa mga kogonan. Pag me armadong makita, putukan agad!"

Ang pusa at daga

Sa aking judgment, halos patas lang ang laban dahil parehas kaming walang cover. Ang kalaban ay nakatago sa concealment pero vulnerable din sila sa aming putok. Ang lamang ko naman ay meron akong support element na naka-antabay. 

Grabe ang tibok ng puso ko habang naglalakad palapit sa direksyon ng kubo. Lahat kami ay nakatutok sa mga sukal sa kogonan. Di namin sigurado kung andon pa sila. Naka-unlock position ang aking AUG Steyr at handa akong kalabitin kapag may makikitang bandido. Kami ang pusa, sila ang daga. Mamamatay ang masasama!

Nakikita namin ang mga bagong naapakang mga kogon. May mga patak ng dugo na makikita na nakadikit sa ilang mga tangkay. Hindi rin pala bano bumaril ang aking tropa sa tunay na labanan. 

Dahil kasinagan ng araw sa mga oras na bandang alas-tres ang aming movement, malayo ang inaabot ng aming observation. Napaisip ako kung bakit dito sila nagpanagpo ng tropa? Walang tactical value ang lugar. Una, walang cover. Pangalawa, wala ring key terrain na magandang i-control. Meron atang ibang rason kung bakit ipinag-pilitan nila na doon magpwesto. 

Papalapit nang papalapit kami sa kubo at lalong lumalagabog ang dibdib ko. Hindi kami nagsasalita dahil pinapakiramdaman namin ang paligid. Naiinis pa ako sa hangin kasi biglang umihip ng malakas at nag-iingay ang mga puno at maging ang mga matatangkad na dahon ng mga damo na nasa paligid namin. Kumampi pa ata ang weather sa kanila.

Nang inabot namin ang tapat ng kubo, tinawagan ko si Sgt Fernandez. Pabulong ko syang kinausap. 

"Pangga, kami itong nasa kubo. Magforward pa ako ng 100meters para i-track ang direction ng kalaban. Advice mo sa lahat mong patrol members."

Ilang minuto lang, tumawag uli si Sgt Fernandez at nagbigay ng feedback: "Sir, nasabihan na ang tropa at nakikita namin kayo. Nasa bandang paligid nyo na lang ang latest position ng Abu Sayyaf na nakabarilan namin kanina."

Sa nais kong matukoy ang withdrawal route ng mga kaaway, nag-senyas ako ng forward at 'skirmisher formation' dahil nagkakakitaan din naman ang lahat ng patrol members. 

Dumami ang nakikita naming fresh tracks. Ibang-iba ang aking pakiramdam. Nanalangin na lang ako na protektahan kami ng Diyos. 

Sa isang iglap, may nakikita kaming gumagapang sa damuhan. Naisip ko baboy damo dahil nasa ilalim ng mga kogon. 

Nag-signal ako ng freeze. At ginulantang kaming lahat nang biglang nagtayuan at nagtakbuhan ang nasa harap namin, mga 50 metro ang layo. May bitbit na baril ang isa na nasa aking harapan. Itinutok ko sa kanya ang aking baril at inaaninag ko sya sa aking circle reticle na combat optics. 

"Pak! Pak! Pak!"

Naunahan akong pumutok ng aking mga tropa. Mahirap talaga ang naka-optical sights. Sumunod na rin akong pumutok sa general direction ng tinakbuhan ng kalaban. Nakita ko sila na na mabilisang nag-dive na parang daga bago namutok sa amin. 

"Contact front! Contact front! Drop!"

Bratatat!Bratatat!Bratatatat!

Halos nag-unahan din kaming nag-drop nang humahaging ang bala. Nang ako ay dumapa, don ko na-realize na hindi ko rin makikita ang aking kabarilan dahil matangkad ang mga Hagonoy sa aking pwesto. Kailangang makuha namin ang momentum. Ibinigay ko ang aking 'whistle command'. 

"Gentlemen, assault! Assault! Prrrrrrrrrrrrrrt!"

Patayo kaming nakipagbarilan habang papunta sa location ng kalaban. Napansin ko na papalayo ang putok nila. 

"M203! M203! Fire!"

"Plooook! Blaam! Ploook! Blaaam!"

Nakita ko na ang direction nila ay papuntang northeast. Ito ay sa position ng 20SRC. Tinawagan ko agad si Lt Sam Yunque, ang isa sa magigiting na mga opisyal na nanguna sa pagsugod sa Punoh Mohaji, sa islang lalawigan ng Basilan iilang buwan pa lang ang nakaraan. 

"Bay, conduct ambush. Coming na sila sa location mo!"

Ang pwesto ng 20SRC at ng aming encounter site ay nasa sukalang humigit kumulang sa 400 metro lamang. Obviously, kung puputukan nila ang mga Abu Sayyaf, aabutin kami ng kanilang bala. Sa M16 pa lang, ang maximum effective range ay 460m, at ang maximum range nito ay 2,653 metro. Baka maghilamos kami ng stray bullets nila. 

Nakita ko, alive and kicking lahat ng aking tropa pagkatapos ng maikling palitan ng putok. Salamat sa Diyos!

"Gentlemen, dugtong tayo kina Pangga!"

Bilang bahagi naman ng procedures sa link-up operation, tinawagan muna namin ang stationary element para magpaalam sa aming aksyon. 

"Pangga, coming ako from your 3 o'clock. Hold your fire. Post security!"

Di nagtagal nagkaputukan na sa pwesto ng 20th SRC. 

"Pak! Bang! Tsing! Tsing! Bang!Bratatatat!"

Naghahagingan na ang bala mula sa kapwa Musang. Tumakbo na kami papunta sa malalaking puno.

(Ipagpatuloy)

4 comments:

  1. sir pakilagay naman kung kailan lalabas ang karugtong para nasusubaybayan, bitin lagi hehehe

    ReplyDelete
  2. bitin nanaman sir hahaha..sana may makakitang movie producer.....

    ReplyDelete
  3. Sir Ranger Cabunzky,

    I was greatly impressed sa battle strategy niyo po. In fact, gumawa po ako ng sketch sa kinaroroonan ng Recon Elements niyo pati na ang mga direction of movements and napahanga po ako. I play po kasi sa mga war games, I know malayo pod ito sa totoong nangyayari sa inyu pero makakatulong po ang strategy niyo to strengthen our team tactics and maneuvers.

    More power to you Sir and my admiration sa ginawa niyo po. Ingat po kayo palagi.

    ReplyDelete

Sponsor