Friday, October 11, 2013

My most memorable combat action: Leave no one behind (Part 3)




Naka-freeze kaming lahat at nakatutok sa paligid na masukal ang baril. Pakiramdaman. Pinapakinggan kung merong indikasyon ng tao. Para kaming hunters. Pinapatalas namin lagi ang lahat ng senses. Ganyan ang survival instincts na itinuturo sa Scout Ranger School. 

Si Orozco na hunter ng baboy damo ay merong instincts na ganon, kaya bumilib ako sa kanya. 

Sa kanyang galaw at mga ideya sa aking obserbasyon, mas magaling pa sya sa mga praktikal na bagay na di naman naisusulat sa aming doktrina. Karanasan ang kanyang school na mataguriang Orozco experience. 

Kuha sa larawan ang mga suot-suot naming anting-anting na syang pinaniwalaang proteksyon mula sa mga punglo ng kalaban. Mas magaan ito sa Kevlar helmet na hindi pa uso sa mga panahon na iyon. Bitbit ko rin lagi ang Barong (Tausug bolo) na ipinamana sa akin ng aking kinikilalang Tatay sa Basilan, dahil ayon sa kanya may dala itong swerte sa may sukbit nito sa pakikidigma.


Kaya nga itinabi ko sya sa akin. Sya ang sa likuran ng Team Leader ng spearhead team na si Sgt Rosel Tayros na tubong Southern Leyte. Ako naman nasa likuran ni Orozco. 

"Sir, hindi yan ang main body. Baka napagawi lang yan dito at naghanap ng prutas. Me inakyatan na puno kung makita mo ang balat nitong puno ng marang," sabi nya. 

Tama sya. Napatingin tuloy ako sa taas at itinutok ko ang aking baril doon. Malay mo andon ang damuhong spotter ng Abu Sayyaf nagtatago sa taas. 

"Wala din dito. Pero, ang apak ay papunta ng northeast, papunta sa direksyon ng harbor site na nakita natin. Baka naghanap ng pagkain bago pumunta doon. Kahapon lang itong traces," sagot ko sa kanya.

"Eagle 3 this is Bullseye6, over. Me nakita akong traces pero pabalik sa ating pinanggalingan kagabi. Gusto kong dikitan ang Balatanay. Kabisado ko ang lugar na iyan kasi napuntahan ko yan noong 1998," sabi ko naman kay Cpt Mon Almodovar na kilala rin sa code name na 'Rambo'. 

Bagay naman sa kanya ang Rambo dahil matapang. Pero, hindi sya mahilig magdala ng M60 Machinegun. Pang movie lang yon at pang tikal ni Manoy Sylvester Stallone. Hay ang damuho na yon ginagaya ng ibang Ranger na MG gunner. 

Ang M60 Machinegun ay crew-served weapon at hindi individual weapon. Naalala ko tuloy na ang M60 Gunner ni 'Rambo' ay namatay habang inaayos ang malfunction nito sa isang mainit na bakbakan sa Sipaket, Sirawai, Zamboanga del Norte noong 1995 nang kami ay nag-Test Mission. Kung meron sana syang Assistant Gunner, merong nag-cover fire habang nag-aayos ng double feeding problem. We learned from our mistakes. Bawal mag-Rambo

"Increase distance between elements to 3-5 meters. Bounding overwatch tayo by Section. Weapons on high ready," sabi ko sa aking mga Team Leaders at sa Platoon Sergeant na si Sgt Sembrano. 


Ang Balatanay

Dahan-dahan naming nilapitan ang Bgy Balatanay. Ito ay isang coastal barangay na kaharap sa Lapinigan Island. Sa aking estimate ay merong 30 families ang nasa gilid ng dagat nakatira. Ang iba ay malalayo na ang bahay at dumadayo lang dito kung me kasalan o kaya merong kalakalan. Sa northern part nito ay ang Barangay Kumalarang, ang makasaysayan na lugar na syang tirahan ng kilalang Datu ng Taguima, ang unang pangalan ng Basilan noong unang panahon. Ito rin ang tahanan ng mga astig na teroristang Abu Sayyaf na kagaya ni Asirin Taulani at Hamsiraji Salih. 

Merong maliit na kalsada na madadaanan ng sasakyan ngunit wala namang tulay na mag-link ng dalawang barangay na pinaghiwalay ng Kumalarang River. Kung mataas ang tubig, di kakayanin i-cross kahit lakarin, baka maanod ka. Marami nang muntik mapahamak dito na mga Rangers na pinilit mag-cross para marating ang objective. Kaya naman, bangka lang ang mode of transport papunta Balatanay galing sa Isabela City na kung saan ito ay parte sa political jurisdiction. Ewan lang bakit di nagawan ng tulay sa mahabang panahon na me tinatawag na public servants dito sa isla.

Maraming magagandang bahay dito na sementado. Napag-alaman ko dati sa aking pagbisita noong 1998 na mga OFW sa Middle East ang ilan sa mga residente dito. As usual, pinapaganda nila ang kanilang mga bahay. Mas maayos naman ang kalagayan ng mga residente dito kaysa ibang nasa Bgy Tabuk o sa Malamawi. Mababait ang mga tao dito at very hospitable. Parte na ata ito ang Malay culture na namana natin.

Nakakilabot na katahimikan

Bandang 6:00am noon nang naabot ko ang isang high ground na overlooking sa Bgy Balatanay. Nasisilip namin ang mga tuktok ng bahayan mga 200 metro ang layo sa ibaba pero natatakpan ito ng mga puno ng niyog na naglipana sa lugar. 

Ipinahinto ko ang aking patrol para mag-observe sa paligid. Sa northern part ng aking posisyon ay isang high ground na masukal at ito ay kilala sa pangalang Bud Bulawan (Mount of Gold). 

Nag-check din ako ng locations ng friendly forces. Sa dagat, sa west at northwest ay andon ang Riverine Company ng Special Forces na pinamunuan ni Cpt Zandro Alvez. Meron din silang detachment sa Lampinigan island. Sa northern part ng Kumalarang river ay andon ang Light Reaction Company na me kasamang Special Forces. Sa Upper Manggas ay nakapwesto ang Charlie Company ng 10th IB. Inilagay ko sa aking tactical map ang lahat ng known locations at ibinigay ko sa Bn Hqs ang bagong grid location. 

"Eagle 3 this is Bullseye, over. Tahimik ang paligid. Gusto kong babain ang low ground na kung saan ang bahayan. Link-up tayo dito at nang ma-secure itong high ground."

Di kalaunan, nakarating na ang buong patrol ng 1st SR Battalion. Nag-coordinate kami. Sa likuran ko ay kasunod ko ang 15th SRC na pinamunuan ni Cpt 'Boy' Almonares at ang 7th SRC na pinamunuan ni Cpt William 'Bong' Upano. Napagkasunduan naming ako ang mag-recon sa ibaba at mag-overwatch sa akin ang 15th SRC.

Personally, di rin ako sure kung merong kalaban sa mga bahayan. Alam nina Abu Sabaya ma-report sila ng mga 'informants' ng AFP kung tumbukin nila ang populated area. Ngunit, di rin talaga ako sigurado kaya dapat makita mismo ang sitwasyon. Tatlong taon na rin ang nakalipas nang nabisita ko ang lugar na ito.

Habang dahan-dahan kaming bumaba, wala kaming nakitang mga traces. Tahimik ang paligid. Walang alingasngas. Walang boses ng tao. Naririnig ko ang ihip ng hangin at hampas ng alon sa dalampasigan.

Nang nakababa na kami sa lower ground, nakita ko nag-signal ng halt ang Lead Scout. Then, hand and arm signal na 'house', then, signal ng nakitang tao. Kumalabog ang dibdib ko. Adrenaline rush.

Lumapit ako sa harapan para makita mismo ang kanilang nakita. Merong babae na naglalaba. Katabi nya ay isang naka-camouflage pants na lalaki na wala namang armas. Nagkwentuhan sila. 100 metro lang ang layo nila sa amin. Di nila kami nakikita.

Kinausap ko ang aking mga Team Leaders. 

"Skirmishers formation tayo. Isang seksyon sa direksyon ng school building at ang isang section ay kasama ko sa direction ng mosque."

"Kausapin natin yan silang dalawa. Ipaghiwalay at i-apply ang basic techniques ng pagtatanong kung parehas ba ang sagot. Huwag saktan at huwag takutin."

Divided into two groups, naghiwalay na kami sa kanya-kanyang landas. Nanatili sa kalagitnaan ng high ground ang 15th SRC para bantayan ang likuran namin. 

Kasama ako sa Team ni Sgt Tayros. Sa likuran ko ay ang aking Radio Man na si Sgt Cuevas.

Naka-low ready lang ako at naka-sling ang aking AUG Steyr. Parang nilalagnat ako sa init ng pakiramdam. Ibang-iba ang kutob ko. Parang me sili ang aking tenga. 

"God, please protect us!" Napasambit ako ng tulong sa nag-iisang Diyos sabay himas ng aking 'pispis' na nakatali sa aking ulo.

Pa-approach kami sa isang bahay na semento nang merong namataang lalaki sa likuran ng mga halaman. Nakatingin sya sa amin. Tumitig sa akin na tila nakakita ng multo. Di naman ako pangit ah!

"Ser, ser, ser, kalaban yan! Me baril." Iyon ang narinig ko kay Cuevas na tubong Mindoro. 

"Teka, weyt, weyt. Di ko nakikita ang baril. Mahirap magkamali."

Sa harap ko, nagpuntahan sa likuran ng mga niyog sina Orozco at ang mga tauhan ko. Di rin sila nakakasiguro kung kalaban. Ako naman, patuloy akong naglakad papunta sa sementadong bahay na katabi ng pwesto ng lalaking masama ang tingin sa akin. Teka, type ata ako nito.

Then, mga 10 meters na lang ang aming pagitan nang nakita ko syang biglang itinaas ang baril na nakatago pala sa kanyang tagiliran. Babarilin nya ako!

Mabilisan akong nag-unsafe sabay press ng trigger. Fire! Tatak! Tatak! 'Double tap' inabot nya.

Nauna akong pumutok gamit ang instinctive firing technique from the hip sa layong sampung metro. Natumba sya. Me humila sa kanya habang me namumutok.

"Contact front, contact front!" Iyon ang una kong command habang nakipagputukan. 

Binabaril ko rin ang naghila sa kanya, alam ko me tama sya pero naitago ng isa pang kasama.Wala rin silang iwanan. Naiwan ang M14 sa gilid ng pwesto nya pero di ko makuha.

Nilingon ko si Cuevas. Nawala sya! Nagkahiwalay kami. Nasa likurang bahagi sya sa may puno ng niyog na me kaagaw na isa pa, si Ranger Quipot. Sa kabilang niyog, nakita ko si Sgt Tayros, nakikipagbarilan na rin at di makausap. Heavily engaged na kami.

No choice ako. Sa harap ko, nakita ko ang isang duyan. Masama ang gising ng Abu Sayyaf. 5 meters ang layo sa akin at me katabing M60 Machinegun. Tatak! Tatak! Nahiya na syang tumayo. Hinihila sya ng kasama. 

Bratatatat! Booom! Blag! Bratttaatatatat! Umuulan ng bala at explosive rounds. 

Para akong World Record holder sa 100m sprint. Sa isang iglap, nasa likod na ako ng bahay na sementado katabi ni Orozco,  Cpl Arancillo at isang Private.

"Allahu Akbar! Allahu Akbar!"

"Awun kabang-kabang!" Naririnig ko sila. Nasa magkabilang bahay lang kami mga 10 metro. Ang dami nila. 

Sinagot ko rin sila. Parehas lang kami. "Allahu Akbar!"

Lahat ng direksyon maging sa likurang bahagi ay umuulan ng bala. 

Ratatatattatatattatat!

Nagkawindang na. "Me tama ako!" Ayon, me tinamaan na akong tropa.

"Me tama rin ako!" Me dagdag pang isa. "Pulutin ang wounded!" Inutusan ko si Pfc Zambrano.

"Medic!" Hinanap ko si Sgt Legaspi, ang aming 'doktor'.

Inabot ko ang aking combat whistle. "Prrrrrrrrrrrrrrrrrt!"

Ipinapaalam ko sa tropa na buhay ako at under control. Dapat tingnan ng Team Leaders ang aking posisyon at alamin ang hand and arm signals. Di na kami magkarinigan. 

"Laban, laban! Contact front!"


Nasa gitna kami ng mas malaking pwersa ng Abu Sayyaf. Para kaming bibingka. Me init sa taas at sa ibaba.

Napatingin ako sa aking dalang bala. Mayabang ako kasi 'Ranger na, Sniper pa.' Tatlong 30-round mags lang dala ko. 

Lagi ko kasing sabi, "I will be there to lead and direct, not to actually fight." Naiba na talaga ngayon. Ako na mismo nasa harapan. Anyway, kung makapatama ako ng kalahati man lang, 45 na kalabang teroristang dedbol din yon. 

Napailing ako nang walang 20 minutes, naubos ko na ang isang magazine dahil sa covering fires habang pinapalapit ko ang ibang tropa na nasa likuran. Dumadami ang natamaan kong kasama. Malaki ang aking problema.

(Ipagpatuloy)

















7 comments:

  1. SIr naman eh.. bitin na naman ako.. hahahaha
    MORE MORE MORE!

    ReplyDelete
  2. D best talaga kau sir. tumatayo balahibo ko sa kwento nyo.

    ReplyDelete
  3. the best kau sir napanuod ko nun interview senyo till now masarap parin basahin mas dama pa;-)

    ReplyDelete
  4. Salamat sa serbisyo sir..snappy salute...more more more

    ReplyDelete
  5. Hi, im a librarian from cebu...i really enjoyed reading this series hehehe.. i even shared this site to my friends and colleagues and we shared the same feelings too. nag nosebleed ako sa mga military term but very worth it... i just discovered this blog out of curiosity now it has been one of my leisure reading.. keep it up.. more more stories... God bless po Sir!

    ReplyDelete
  6. galing,saludo ako sainyo sir,d best ka:)

    ReplyDelete

Sponsor