Thursday, October 10, 2013

My most memorable combat action: Leave no one behind (Part 2)






Night movement

Dakong 11:30pm na noon (October 6, 2001) nang dumating kami sa isang madilim na bahagi ng Bgy Matarling. Lumayo kami sa mga bahayan na kung saan ay merong iilang bombilya ang nakailaw. 

Christian area ang Matarling. Maraming mga CAFGU ang andito. Nakailang beses na rin silang nabiktima sa mga pang-aatake ng Abu Sayyaf. Noong mid-90s ay na-kidnap ang ilang titser mula dito. Kaya, ganon na lang ang poot sa dibdib ng mga kaanak ng mga namatayan at yong mga kapamilya ng na-reyp ng mga balasubas na Abu Sayyaf.

Umabot din ng halos 30mins kaming nakahinto sa isang sulok na madilim na na-designate naming Initial Rally Point (IRP) para ma-adapt ang aming paningin sa kadiliman. Hindi kasi lahat sa amin ay merong NVG. Kasama sa training namin ang natural night vision gamit ang 'off center' vision technique. Para makita o maaninag mo ang isang bagay, tumingin ka sa gilid nito at hindi direkta dito. Ang Lead Scout, Platoon Leaders at Company Commander lang ang usual na gumagamit ng NVG sa movement. Mas madali kasi ang command and control kung makikita mo ang paligid. 

Pangatlo ang aking kumpanya sa order of movement sa gabi na iyon. Pinanindigan ni Cpt Almodovar na silang taga Battalion Hqs ang mag-lead. Di bale nang mamatay, wag lang mapahiya.

Napakadilim ng gabing iyon at ito ay pabor para sa amin. Paborito ng mga Rangers ang lumakad kapag madilim. Magaling kaming mangapa sa dilim. Kilabot sa dilim kumbaga.

Dahan-dahan at napaka-deliberate ang aming lakad. Bawal na bawal ang magsalita. Bulungan talaga. Problema minsan sa message relay lalo na kung merong mahina ang pandinig kasi naiiba ang mensahe. Minsan, di nagkakaintindihan kung ang magkasunod ang Ilokano at Bisaya. Naputol minsan ang aming patrol dahil sa mensahe na ginawang lokal dialect. Sabi nang pinag-disseminate na Tail Scout ng naunang Team, "Lakaw na Sargeant" (lakad na Sargeant). Ang Ilokano naman na Lead Scout ay "Tugaw kunana Sergeant" (Upo daw tayo Sergeant). Ayon, nagtaka sila na wala na yong nasa unahan.

Mga 200 meters mula sa location ng Charlie Company ng 10th Infantry Battalion, nag-halt muna kami. Ito ay paraan upang hindi magkaroon ng friendly fire. Nag-shift ang Battalion Headquarters ng radio frequency para sa lateral coordination. Nagbigay kami ng direction ng approach at near recognition signals. 

Nang nagkaintindihan na ang dalawang yunit at na-disseminate na  sa lahat ng mga tauhan ang aming pagdating, nauna nang nag-link up ang Bn Headquarters at kami ang naiwan mga 100 meters mula sa link up site. 

Di kalaunan, pinagdugtong na namin ang lahat ng tropa sa temporary patrol base (TPB) ng Charlie Company. Isang kumpanya pala sila doon. More or less 70 ang kanilang bilang. Sila pala nagbigay ng information. Nakita raw ng CAFGU. Hmmmm. Ito pala ang mga me pakana. Inimbestigahan ko ang Company Commander na isang Tenyente.

"Kayo pala nakakita ng Abu Sayyaf eh. Bakit hindi nyo pa nilakad agad eh kagabi pa pala yan?"

Garalgal ang boses nya. Explaining. 

"Ser, marami raw kasi umabot 187 ang bilang nila lahat. Di namin kaya yon sir!"

Hay buhay nga naman. Kung ako yon, matagal nang me pyesta sa Upper Manggas na kinaroonan nila. Tiyak, umaatikabong fireworks display na inabot ng mga terorista doon kung ako nakakita.

"Okay, sige kami na lang. Teka, sino naman yang sinasabi mong nakakita? Baka impukaw? Baka panaginip?"

At dinala sa aming harapan ni Cpt Almodovar ang mismong 'nakakita' sa mga Abu Sayyaf. Isa syang CAFGU na lumilingon sa pangalang Leonardo Orozco. 

Payatot si Orozco. Dalawa silang CAFGU na lumapit sa amin. Mga nakasama ko na rin noong 1998 noong ako ay Tenyente pang nakikidigma sa hanay ni Abdurajak Janjalani. 

"Bay, sigurado ka ba talaga sa sinasabi mo? Parang di ako kumbinsido eh. Paano mo nakita? Saan? Ilan ang armas? Ano ginagawa?"

Doon na sya nagkwento tungkol sa diumano ay mga Abu Sayyaf na nakita. 

"Ser, ginapang ko ang kanilang posisyon. Maingay sila. Nagluluto sila sa kasukalan, mga isang kilometro ang layo mula dito, sa itaas ng Barangay Balatanay."

Seryoso naman ang kanyang boses. Pero, di ako naniniwala agad. Nakarami na ako ng mga 'impukaw'. 

Kainis minsan ang mga pakaang-kaang na intelligence unit na tila sa barbero nakuha ang impormasyon. Kaming infantry forces ang napapagod at nagsasayang ng oras at lakas. 

"Ahhhhh, ganito na lang. Kung ikaw nakakita, sumama ka! Ano, sama na!" 

Parang natulala sya konti pero napasagot naman agad. 

"Yes ser, sama ko. Talagang nakita ko sila at dalhin ko kayo doon. 100% sure ako na nakita ko sila Ser."

Parang tumaas ang percentage ng paniniwala ko na totoo sabi nya. Pero, kailangan ko pa ng ebidensya. 

"Ganito, kung totoo sinabi mo at magkaroon ng bakbakan at maka-recover tayo ng armas at maka-rescue tayo ng hostages, ipa-special enlistment kita!"

Parang tumuwid ang tayo ni Orozco. Natuwa sya sa posibilidad na maging sundalo sya. Sa tabi nya, nakikinig lang ang kaibigang CAFGU na sa Lando na suki ko rin sa mga operations noong aking kabataan. Ayaw sumama ni Lando at naglabas pa ng hinaing. 

"Ser, kasama ako sa Lantawan encounter noong 1998 na naka-iskor ang 1st SRB; sa Puno Mohaji noong 2000 at pati yong sa Task Group Panther noong 1995-1997 pero wala namang nangyari sa mga nag-promise sa akin."

Mahirap nga yon. Me nag-promise sa kanya pero walang nangyari. Di ko na pinilit, mamaya di ko rin makayanan although alam kong kakayanin ko naman. 

"Ok sige, basta Leo, itaya ko ang aking karangalan sa enlistment mo. Kung maganda ang kahinatnan, maging sundalo ka dahil nasa regulasyon naman yan ng Army."

Nabuhayan si Orozco ng loob. Nagtiwala sya sa akin. Nagyabang pa. 

"Ser, kaya ginagapang ko ang mga Abu Sayyaf na iyan dahil alam ko na di ako mapapahamak. Di nila ako basta-basta makita at di rin ako matatablan dahil meron akong dala-dala."

Ganon ang gusto kong katabi, yong confident at bilib sa sarili. Mahirap kasing kasama at katabi ang walang tiwala sa sarili, lalo na iyong iniisip na agad nila na mamamatay na sila, lalo na yong mga bata pa si 'Mamang'

"Ayos kung ganon sa akin ka tumabi. Tingnan kitang lumaban. Parehas tayong me dala. Tingnan natin kung gumagana ba talaga itong mga dala-dala natin."

Bago kami umalis, pinagbilinan ko ang Company Commander ng Charlie Company.

"Kapag mapalaban kami, magfoward ka ng 500meters para ma-block mo ang mga Abu Sayyaf na dadaan sa lugar na yan. Ang intersection dyan sa logging trail sa ibaba ang reference natin para sa iyong Limit of Advance (LOA)."

Gapang Boys

Kinausap ko si Mon na ako ang maging 2nd unit na bubuntot sa Battalion Headquarters sa movement namin para hanapin ang pinagtaguan ng mga Abu Sayyaf. Kritikal na kasi yon. Malakas na lalo ang kutob ko. 

Umabot ng isang oras uli bago namin nalapitan ang sukalan na sinabi ni Orozco na pinagtaguan nina Abu Sabaya at Khadaffy Janjalani. 

Naghiwalay muna kami ni Mon. Nagsama sya ng iilang mga tao para gapangin ang naturang lugar at si Orozco ang nag-guide sa kanila. Leaders recon ang tawag doon. Dapat malaman muna ng lider kung positive ang information tapos pagplanuhan namin paano ma-execute ang raid. 

Kagaya ng musang, tahimik nilang nilapitan ang sukalan. Hinahawi ang mga damo ng dahan-dahan. Kinakapa ang paa kung me maapakan na mga sanga o mga malalaking dahon. From time to time, humihinto para mag-SLLS (Stop, Look, Listen, Smell). 

Sa wakas, narinig ko ang tawag ni Mon. 

"Bullseye this is Eagle 3, over!" 

Bulong ang aming usapan. "Eagle 3 this is Bullseye 6, go ahead over!"

"Positive ang info na merong nag-harboring dito sa sukalan. Andito ang ibang mga gamit at mga dahon na ginawang sapin sa pagtulog, over"

Na-excite ako. Iyon naman talaga hanap namin. 

"Link-up ako sayo. Approaching from your 6 o'clock, NVGs on."

Sinama ko ang isang team para dumugtong sa recon elements ni Mon. Gusto ko kasing makita ang sinabing harboring site.

Napatulala ako sa nakita. Parang tinulugan ng 50 na kalabaw! Dami nga talaga nila. 

"Totoo nga ang sabi mo Orozco. Kaya lang umalis na sila, bago lang ito. Sana andito pa rin sa paligid natulog."

Lalong yumabang ang tindig ni Orozco. Porke wala syang dalang combat pack na mabigat.

"Ser, sa wari ko ay nandito lang yan. Wala kasing tubig dito. Kailangan nilang pumunta sa may tubig kasi walang pangluto at pang-inom."

Tama ang assessment ni Orozco. Water point ang unang hanapin ng kahit sino. Buti kung kagaya sana sila sa African elephant na kay tagal kung uuhawing muli

Nag-ngingitngit ako pag maalala ko si Abu Sabaya. Marami kasing naniniwala sa mga gossip ng mga tsismoso na "ka-kutsaba" raw sya ng militar. Ano sila, hilo? 

"Magkita rin tayo uli Abu Sabaya. Nasa paligid ka lang, sanamagan ka!"

Mga alas dos na ng madaling araw noon nang magpasya kaming mag-pahinga na lang muna at ipagpatuloy ang pag-tracking operations kinaumagahan. 

Lumipat kami ng isang area para mag-patrol base operations. Nag-usap-usap kaming mga opisyal para sa FRAG-O (fragmentation order). 

This time, nakita ko na ang sitwasyon. Dito na ang hanap-hanap namin. Nagtuos na kami ni Abu Sabaya sa Danit Puntukan sa Lamitan pero kumaripaspas sila ang takbo. Naubos ang yabang nya sa aking magigiting na tropa na sumusugod sa kanya noong July 11, 2001.

Minabuti kong mag-boluntaryong muli kay Cpt Almodovar na syang aming S3. 

"Bok, ako na uli mag-spearhead sa patrol. Sa akin i-attach si Orozco. Pakiramdam ko, andito lang sina Abu Sabaya."

Di naman nag-atubili si Mon na ako ay pagbigyan. Sa coordination namin, pagsapit ng BMNT (Beginning Morning Nautical Twilight) ang aming pag-prepare sa movement. Meron kaming humigit kumulang sa 2 oras na magpahinga. Matulog ang kaya pang matulog. Mag-gwardya ang 1/3 sa strength ng tropa. 

Sinubukan ko ang tulog-pato. Pikit ang mata pero gising ang isip. Failure.

Sinubukan ko ang tulog gansa: tulog ang isang mata pero gising ang isa. Hirap ata yon, di rin kaya. 

Nagpikit musang na lang ako sa aking pwesto. Sumandal na lang ako sa aking combat pack na nakabalandra rin sa puno ng marang. Solved. Bwisit lang ang mga lamok at niknik. Panay ang halik sa pisngi at leeg ko. Dami na ata ng tsikinini ko sa mga bruhang insekto na mga yon.

Dakong alas kwatro ng madaling araw, ginising na namin ang lahat. Ayon sa coordination, mag-early breakfast kami ng 4:00am. 

"Dapat busog tayong lumaban. Kainin ang bahaw at baon na adobo para masarap makipagbarilan sa mga gutom na mga Abu."

Dakong alas singko nang nakahanda na kaming lahat para sa movement. Inaantay ko ang paglabas pa konti ng liwanag sa horizon. 

"Five minutes stand-to muna tayo. Pakiramdaman ang paligid." 

Tahimik ang paligid at mga naghahampasang mga dahon ng marang ang naririnig, pati ang lagapak ng mangilan-ngilang dumi mula sa mga walang pakialam na mga ibong 'tukmo' (bato-bato) na nakadapo sa itaas ng mga puno. 

"Tumbukin natin ang itaas na bahagi ng Balatanay. Iyan ang lugar na merong water point."

Dala ang 31 kong mga tauhan, kami ang nasa leading element para pangunahan ang tracking patrol sa araw na yon (October 7, 2001). Ito ang aming hanap. Dito magkakaalaman. Dugong mandirigma

At......merong pa-ilan ilang mga apak ng tao ang aming nakita.

Naka-taas ang kamay ng lead scout. Open palm...Halt!

Nang nakita ko ang apak, ako naman ang nag-signal sa lahat sa aking likuran. Palingon-lingon si Orozco sa aming ginagawa. Di ata uso yon sa mga kasama nya.

Closed fist. Ang ibig sabihin: 'Freeze!'



(Ipagpatuloy)























3 comments:

  1. Waaahhh.. nabitin na naman ako sir!
    ilang putol ba to para buohin ko na lang para isahang basa.. hehehe

    ReplyDelete
  2. bitin na aman ser,,,hehehe ang ganda na sana

    ReplyDelete

Sponsor