Thursday, October 10, 2013

My most memorable combat action: Leave no one behind! (Part 1)





Today (October 7, 2013) is the 12th year anniversary of my most memorable combat action in Basilan island, southern Philippines.

I had several 'lessons learned' in that particular encounter. I gained new insights about combat leadership and it also widened my understanding about our fight against terrorism. 

From the likes of Muslim leaders like Lapu-lapu and Sultan Kudarat, to their Christianized counterparts like Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo and Francisco Dagohoy, we have had a long list of brave warriors and heroes. 

In the First Scout Ranger Regiment, we also have a long list of idols in terms of combat leadership and heroic actions. We are proud of the likes of Weenee Martillana, Robert Lucero and the legendary Julius L Javier, to name a few of them. They may have different character traits and educational background but they have something in common: They are both warriors and leaders who love to fight for their country. 

Therefore, we who opted to join this elite unit wanted to follow their paths. We wanted to join the short list of brave warriors who made a difference. 

When I was given the chance to serve in the unit, I grabbed the golden opportunity to be considered as one of the best combat leaders among the best in the Philippine Army. Syempre, taas-noo ako bilang isang dugong mandirigma!

Balatanay firefight: Walang Iwanan

Pang-apat na buwan na noon sa aming redeployment sa Basilan simula nang kami inilipat para tumulong sa pagtugis sa hanay nina Abu Sabaya at Khadaffy Janjalani na naghasik ng lagim sa pamamagitan ng pag-kidnap ng mga turista mula sa Dos Palmas Resort sa Palawan noong May 25, 2001. 

Pudpud na ang aming mga combat boots at gula-gulanit na ang aming mga uniporme sa sunod-sunod na combat operations sa kagubatan ng Tuburan, Lamitan, Sumisip, Maluso at sa Isabela City. Buti na lang di nagasasawa si Kuya Sapatero sa Isabela City sa katatahi ng  aking boots sa kakapatahi tuwing makabalik ng kampo!

Sa mga panahon na iyon, malaki na ang improvement sa combat skills ng aking mga tauhan, lalo na yong mga 'parada warriors' ko galing sa Army headquarters. 

Nakarami na rin sila ng aktwal na mga bakbakan. Marami sa kanila ang nasugatan at nagyayabang na rin bilang isang mandirigma----may bahid ng sariling dugo at pawis ang military uniform sa pakikipaglaban sa mga teroristang kaaway ng pamahalaan, ang Abu Sayyaf Group.

Nanood ako ng CNN sa satellite TV ng aming yunit pagkatapos ng tanghalian noong ika-6 ng Oktubre 2001 nang makatanggap ako ng tawag mula sa 1st Scout Ranger Battalion tungkol sa isang impending combat mission.  Wow, gyera na naman? Baka info-kaw (impukaw ang tawag namin sa intelligence information kuno na tila sa panaginip nahagilap ng mga tamad na 'agents').

Ang Scout Rangers ay talagang isinasabak sa mga bakbakan, lalo na yong tipong inaayawan ng iba. Kaya lang, kapagod din minsan kung suntok sa buwan ang mga impormasyon na ibinibigay sa amin. Limited ang intelligence gathering capability ng aming unit at ito ay ang tactical intelligence na nakakalap sa pamamagitan ng reconnaissance operations. Para mas mataas ang success rate, dapat 'luto' na ang parte ng intelligence para mas maganda ang execution ng direct action mission kagaya ng raid o ambush. 

Ganon pa man, pumunta ako sa Battalion upang pakinggan ang mission briefing. Apat kami na Company Commanders ang present: 10SRC, 1SRC, 15SRC at 7SRC. Ako ang most senior na Company Commander doon.

"Ang strength ng Abu Sayyaf Group na nagtatago sa sukalan sa Balatanay ay 187," sabi ni Cpt Mon Almodovar, ang aming S3 (Operations Officer). 

"Hot info ito galing sa Brigade kaya inatasan tayo na tirahin na agad natin dahil may balak daw ang kalaban na pumuslit sa ibang isla."

Di ako ganon ka-kumbinsido sa sinabing impormasyon. Nakarami na ako ng 'A1 information' kuno. It turned out, ewan information pala. Sa mga Ilokano, ang tawag nila sa malabong info ay 'impukaw'. Na-pukaw kasi ang Ilokano word sa nawala.

Di ko tuloy napigilan mag-joke sa aking seryosong PMA classmate.

"Mistah, baka naman rumors lang yan at ipinasa sa Brigade ang data gamit ang URC 187 radio?"

Alam ko rin na ang pinakamalapit na unit ay ang 10th Infantry Battalion na nasa Matarling, Lantawan. Ang mga kumpanya nila ay nasa Upper Manggas naka-deploy. Hmmmm. Bakit hindi sila ang ipatira?

Nagtawanan na lang kami pero alam naming dapat isakatuparan namin ang naturang misyon dahil kami ay Scout Rangers. Iba na kapag 'mayabang' na mandirigma. Lalaban kami at ayaw naming ipahiya ang aming yunit. Di kami takot sa bahag na buntot na mga Abu Sayyaf na panay karipas ang takbo sa mga naunang labanan.

Order of movement

Patapos na ang aming 5-paragraph OPORD brief at umabot din kami sa order of movement. Sino ang spearhead na unit? Sino ang maunang uulanin ng bala kung me ambush? Sino unang makaapak ng landmine kung merong nailatag sa paligid? Hmmmm. Sino?

Ako na ang naunang nagsalita sa aking concern. Naaawa na rin ako sa aking mga tauhan. Marami na akong wounded. Buti na nga lang di ako namamatayan (Allahu Akbar!).

Dati kasi, kung di ako i-designate, volunteer pa ako mag-lead. Sa hanay ng Spartan warriors sa ancient Greece, isang karangalan ang nasa harapan ng phalanx, ang battle formation na gamit nila noon. Maging si Alexander the Great, nasa harapan ang pwesto at di kagaya ni Darius the Great na nagtatago sa pinakalikuran ng daang-libong sundalo nya sa harapan.

"Para sa akin, high-time nang magpalitan ng leading element. Lagi nang 10th SRC at sobra dami ko nang wounded. Pagbigyan  naman ang iba."

Tahimik ang paligid. Antayan kung sino mag-taas ng kamay. Pinakiramdaman ko lang. 

"Ayaw ko mag-volunteer. Dapat i-designate na lang ni S3," sabi ng isang Company Commander. 

Maririning mo ang buhok na malaglag dahil sa sobrang tahimik. Syempre, baka totoo na 187 nga ang bilang ng Abu Sayyaf!


"Sige, ako na lang. Ang Battalion Headquarters elements ang mauna at i-augment ko ang 14SRC na tropa," sabi ni Cpt Almodovar, isa sa most decorated na Scout Ranger officers sa buong FSRR. Napa-smile kami lahat. Actually, kung talagang mag-designate sya kahit sinong Company Commander, di naman sya hindian. 

Kakaiba itong aking klasmeyt. Kung patapangan din lang at pamaruan sa mga bakbakan, di rin matatawaran ang kagalingan nya. Dapat nga ay sya ang mahirang na Best Officer dahil sa dami ng kanyang combat accomplishments noong sya ay Executive Officer pa lamang ng 9th SRC noong 1998 at 1999.

"Sure ka mistah? Kung sinabi mo namang ako na, no problem. You're the S3!" 

Napangiti na lang sya at pinanindigan ang naunang sinabi. 

"Sure na yan. Para maiba naman. Kawawa na itong 10SRC, kokonti na lang sila sa dami ng wounded," sambit nya na me 'drama' effect pa. 

Napailing na lang ako. Kakaiba nga yon. Warrior ata ang Battalion Headquarters ah. Sya lang kasi sasama dahil si Lt Col Charlie Galvez, ang aming Commander ay ang mag-monitor sa aming movement sa Bgy Cabunbata, Isabela City.

Napagkasunduan naming lumisan pagdating ng 10:00pm. Kailangan muna naming sumakay ng M35 trucks bago lumakad ng 1-2 oras patungo sa AO (Area of Operations). Ang assumption namin ay tulog na ang mga Abu Sayyaf sa mga oras na iyon. 

Mission brief

Pagkabalik sa kampo, nagsagawa naman ako ng sarili kong mission brief. Ako na lang mag-isang officer sa yunit sa mga panahon na yon pagkatapos na ma-designate bilang Company Commander ng 3rd Scout Ranger Company si 1st Lt Marlo 'Toto Joma' Jomalesa. Therefore, ako na ang CO, ako pa ang EX-O. Ako na rin ang Platoon Leader. At, ako na rin ang Admin Officer. Ako na. Ako na!

Ang kagandahan pag na-develop mo na ang kakayahan ng mga unit leaders, okay lang kahit mag-isa kang opisyal sa kumpanya. NCOs run the affairs of the unit ika nga. Mga sarhento ang nagpapatakbo ng unit at ako lang ang 'Direktor'. Kahit wala ako, gumagana ang aking admin na naiiwan sa kampo. Andon si Tsg Noel Jerios ang First Sergeant, si SSg Greg Manzolim ang aking Finance NCO at Operations NCO, Sgt Virtudez ang Maintenance NCO at si Cpl Esporo, ang Admin NCO. Kapag gumagana ang mga NCO, bawas ang sakit sa ulo. Kapag mga pasaway at pakaang-kaang, malaki ang problema.

Pinaipon ko ang mga teams na pwede kong dalhin sa combat operations kinagabihan. Sa dami ng wounded, apat na team na lang at nagtira ako ng 2 teams bilang reserve. Ang ibig sabihin, 28 ang aking tauhan at bilang nasa C2 (Command and Control) element, ako, RATELO, Combat Medical Aidman at M60 Gunner. So, 32 lang kami lahat. Halos ganon din lang ang bilang ng bawat kumpanya na kasama namin. More or less nasa 120 kami lahat, kasama na ang Battalion Headquarters.

"Sa uulitin, suspend muna natin ang ating Company Anniversary. TBAL (To be announced later) na lang muna. Trabaho muna tayo," paliwanag ko sa aking mga tauhan na grabe ang expectation na matuloy na rin ang naantala naming anibersaryo sa nakalipas na October 1. 

Matagal na rin kasing di sila naka-tongga ng beer na ginagastusan pa ng yunit. Pagkakataon din yon ng bragging rights kasi sasabitan sila ng mga combat medals ng aming Brigade Commander na si Col Hermogenes 'Jun' Esperon. Kumbaga, pangpa-hi morale sa tropa yon, naantala pa.

"For that matter, kumain tayo ng masarap na hapunan. Magpabili ng preskong isda at manok para mabilis tayong maglakad mamayang gabi," dagdag ko pa. 

Pagkatapos ng aking briefing, kanya-kanyang mission brief na ang mga Team Leaders sa mga tauhan nila. Merong naglinis ng mga baril at ang test fire sa likuran ng kampo na kung saan ay me nagawa kaming 150-meter firing range. Kanya-kanya rin check ng batteries, radios, GPS at Night Vision goggles. Automatic sa aming magdala ng 3-days supplies ng pagkain at mga mission-essential items kung mataguriang 'strike mission' ang aming isakatuparan. Mas epektibo kasi kami kung magaan ang dala. Mahirap mag-maneuver sa putukan kung tipong 20kgs o mahigit pa ang nasa likuran. Mapipilitan kaming mag-drop ruck sa biglaang putukan, kung hindi kami nakapagplanong mabuti sa tinatawag na ORP (objective rally point) operations na kung saan ay pwede iwan ang combat packs. 

Sarap na sarap ako sa pagnanamnam ng tinolang isda na syang ulam namin sa hapunan. Kasama ko sa mess hall ang aking mga pinagpipitagang NCO sa kainan. Ginagawa ko ito para mapag-usapan informally ang mga issues and concerns na dapat kong malaman lalo na at lagi akong nakatira sa bundok. Believe me, mas malimit ako sa gubat kaysa aking papag sa loob ng kampo!

"Ihanda nyo lang lahat ng mga requirements natin para sa ating anniversary. Kung ituloy natin at kung kelan, depende sa outcome nitong aming mission mamaya," bilin ko sa aking Ilonggong First Sergeant at Ilokanong Operations NCO.

"I-assemble ang tropa by 9pm para sa final inspections at briefing."

Minabuti kong tawagan ang aking misis para magbigay ng SITREP (Situation Report). Sinasabi ko sa kanya na meron akong 'lakad' although di ko sinasabi saan at kung ito ay napaka-delikado. Baka sya pa ma-stress sa nerbiyos. Laging nasa headlines ang Basilan sa mga panahon na iyon. Minsan exaggerated ang mga accounts ng news stories kaya ang akala ng taga Manila, ala-Somalia ang buong isla!

Medyo sanay na rin ang aking misis sa aking sitwasyon. Sanay na rin sya na makatanggap ng tawag mula sa akin pag makapunta ako ng safe area para sabihing okay ako (translation, nakasurvive sa bakbakan at sabihing 'alive and kicking' pa!).

Pagsapit ng 9:00pm, nasa harapan ko na ang aking tropa para sa final briefing. 

Inuuna ko laging tanungin ang mga Team Leaders kung nagampanan ang kanilang preparation tasks base sa aming talaan para sa mission preparation.

"Firearms test, check?"

"Radio test,check?"

"NVG test, check?"

"Pagkain at combat stove, check?"

"Mapa, compass, GPS?"


"Mga kumakalansing na gamit, check?"


"Anting-anting at laning-laning, check?" (Wala kasi kaming force protection equipment kagaya ng helmet at bullet-proof vest kaya yon na lang joke namin na i-check)

Nang ma-kumpleto na ang lahat, nag-designate ako ng teams sa order of movement. Sumama ako sa leading team, as usual. The commander positions himself where he can see the battlefield and where he can best control his unit. Ganon ang dahilan, maliban pa sa pride na maging kagaya ni Alexander the Great. Kapag company grade officers, dapat leading from the front!

Bilang tradisyon, Psalm 91 ang idinasal ng aming prayer leader bago ang mga personal prayers. Nakagawian na ito ang aking yunit at merong elemento ito ng kasaysayan kung basahin sa World War 2 events na kung saan ay hindi namamatayan ang yunit na nagdadasal ng mataimtim gamit ang Psalm 91. Kaya, regardless of religion, hinayaan kong magdasal ang yunit ng Psalm 91 dahil para din naman sa nag-iisang Diyos ang patungkol sa naturang dasal. Dito kami nagkakaintindihan lahat.

Alam naming napaka-delikado ng misyon. Posibleng umaatikabong palitan ng putok na naman kagaya ng naranasan namin sa Danit Puntukan sa Lamitan. 

Kanya-kanyang himas ng anting-anting ang tropang me 'dala-dala' sa tuwing paalis na ng misyon. As usual, suot ko ang aking 'pis-pis'. So far, di naman ako ipinapahiya nito. Simula nang sinuot ko ito pagkatapos na ibinigay sa akin ng aking kapatid na Muslim, di na ako nahagip ng bala. Dagdag na siguro ang pagkabano bumaril ng Abu Sayyaf.

Dakong 10:00pm, it was time to leave. Umandar na ang mga M35 trucks na mag-haul sa amin papunta sa aming Line of Departure (LD).

Naalala ko ang aming chanting: "Momma, momma can't you see? What the Army has done to me. I used to ride in in a Cadillac. Now, I'm riding an Army truck! Hoooooah!" 

Lumalakas ang pintig ng puso ko. Umiinit ang aking tenga. Iba ang aking pakiramdam. Isa ang naalala kong sambitin, pampalakas ng loob at paghingi ng blessings at guidance. Bilin ito ni Maas Salambang, ang aking tatay sa Tuburan.

"Allahu Akbar!"

Di ko inaalis ang aking kamay sa grip ng aking AUG Steyr habang nagbyahe papunta sa Matarling. Maraming 'What if?' ang aking inisip habang binabaybay namin ang kalsada papunta sa aming Area of Operations (AO).

(Ipagpatuloy).








1 comment:

  1. ..para along nanonood ng live coverage..wd blow by blow account pa..good job sir..snappy salute!

    ReplyDelete

Sponsor