Monday, November 5, 2012

Hostage rescue attempt in Lantawan, Basilan




This is my souvenir photo with my soldiers after a clash with the Abu Sayyaf bandits in Landugan, Lantawan, Basilan. We failed to grab the hostages from the hands of the bandits who dragged them as they scampered away  towards the jungle.  (10SRC photo)




February 2002


Pagkatapos sa serye ng mga bakbakan sa Tuburan, inilipat kami sa southeastern Basilan na kung saan ay na-monitor na palipat-lipat ang grupo ng Abu Sayyaf.
 
Tatlong teams o humigit kumulang sa 30 ka tao na lang ang natitira sa operating troops ng aking yunit dahil sa nagpapagaling ang iba sa hospital, at pinagbakasyon ko ang iba para makapag-relax.
 

Nang nagbakasyon ang aming Battalion S3, ako ay itinalaga ni Lt Col Reynato Padua bilang Acting S3 ng 1st Scout Ranger Battalion para mag-provide ng C3 (Command, Control and Communications) sa mga SR companies na nagsasagawa ng tuloy-tuloy na military operations.
 
Ang  TCP (tactical command post) ay inilagay ko sa Lantawan Proper (poblacion), supposedly ang pinakasentro ng bayan ng Lantawan, ngunit mga sampung kabahayan lamang ng mga dating MNLF rebels ang matatagpuan dito.


Pinili ko itong lugar kasi matagal ko na silang kaibigan at tinulungan nila kaming tukuyin ang mga Abu Sayyaf na pinamunuan ni Abdurajak Janjalani na nagtatago sa Sitio Pantay noong March 1998. Sa tulong nila, nabigwasan ng 1st Scout Ranger Battalion ang mga bandido sa lugar na iyon na lagi nilang pinamumugaran dahil sa dami ng food sources.


Sa buwang iyon ng Pebrero, hawak pa rin ng grupo ang iilan sa mga hostages kasama sina Grecia at Martin Burnham, at si Ediborah Yap.
 
 
Iilang buwan pa lamang nang pinakawalan si Reyna Malonzo, ang nurse na kasama ni Ediborah na nakidnap mula sa Dr Torres Hospital sa Lamitan City noong June 1, 2001. 
 
 
Pudpod man ang aming combat boots sa walang humpay na paghahagilap sa bundok, tuloy-tuloy pa rin kami sa patrolling missions.


Ang hirap kasi sa mga bandido, kapag humalo na sa mga sibilyan, mahirapan na kaming silay ay tukuyin.


Hindi naman pwedeng pagbintangan lahat ng sibilyan at sila ay maparusahan dahil lamang sa me kaanak o kaibigan silang Abu Sayyaf.


Walang katapusan ang gyera kapag ganon ang kalakaran na panay atake ang militar, kasi maliban sa maging personalan ang labanan ay magdulot ito ng walang katapusang galit ng mga kapatid nating Muslim sa mga sundalo at sa mga Kristiyano sa pangkalahatan.

Minsan naman kasi, walang maibigay na 'A-1 info' ang mga intelligence units kaya ang pabiro naming sabi ay 'ewan info' o 'awanin info' na naman ang ibigay, na tila ay suntok sa buwan.

Nakakainis yong nagyayabang na Intelligence Officer na kung makapagsalita ay pinagtrabahuan nyang mabuti ang kanyang impormasyon, tapos pag puntahan namin ang lugar na sinasabi ay walang indications kahit apak, pinagkainan o ano mang traces na makapag-justify sa kanilang intelligence funds.

Para sa akin, ang pinaka-reliable source of info ay mismong sundalo na nakakakita sa mga bandido. Nagagawa lamang ito kung magtiyaga ang sundalo sa reconnaissance operations at tracking operations.

Ang problema kung tamad ang Patrol Leader o kaya kulang sa training dahil hindi sya yong tipong mag-tiis na lalamukin at kakain ng skyflakes na isawsaw sa hilaw na sardinas, habang nag-aabang ng bandido sa surveillance sites sa loob ng mahabang panahon.

Mas malala din kung well-trained naman ang sundalo ngunit walang commitment na isagawa ng mission o kaya tipong 'bugas-bugas' ang serbisyo. ('Bugas-bugas' ang termino namin sa mga sundalo na tipong sweldo lamang ang habol sa serbisyo para pambili ng bigas. Ito yong mga tipong walang 'kalatoy-latoy', for compliance lang ang ginagawa.)

Mahirap hagilapin ang mga bandidong Abu Sayyaf kasi hindi sila nakatali at nag-iisip din paano makaisa sa sundalo, maliban pa sa mapait na katotohanang lamang sila sa larangan ng mastery of the terrain.

Ngunit, hindi ito excuse para sa sundalo kasi dapat lahat ng territorial forces kagaya ng Infantry Battalions at Special Forces ay dapat nalakad na sa mga recon patrols ang lahat ng sulok ng kanilang area of operations (AOR).

Ito naman ang lamang naming mga Scout Ranger units noon, lalo na ang mga beterano sa Basilan. Halos lahat ng sulok na maaaring pagtaguan ay amin nang napuntahan. Alam namin nasaan ang water points at may magandang sources of food o kaya mga komunidad na meron silang mga kaanak.

Sa dami na ng patrolling missions, nadiskubre namin ang mga lungga nilang pinagtataguan, pati mga trails na dinadaanan papunta sa iba't-ibang lugar.


Ang lahat na mga data na ito (water points, routes, encounter sites, encampments, communities, key terrain) ay aming ini-record at ini-reflect sa mapa upang magamit sa future missions.

Halimbawa, kung kabisado mo ang kanilang daanan galing sa highway ng Matarling-Isabela highway papunta sa Punoh Mohadji, kakayanin mo itong lakarin sa loob ng isang araw. 

Binansagan naming 'Ho Chi Minh Trail' ang kanilang paboritong daanan at dito namin sila inaabangan para mag-set up ng ambush.

Kung hindi naman ay aabutin ka ng siyam-siyam sa kasukalan at mga bangin na syang magpapatagal sa iyong movement.

Merong disadvantage kung sinusundan ang kanilang daanan kasi maaari itong lagyan ng landmines. Dyan papasok ang diskarte ng Patrol Leader kung paano ito gagawin kasi dapat hindi ipagpalit ang tactics sa comfort. Aanhin mo nga naman ang nakapagrelax kung maghihilamos ka naman ng shrapnel.
 
 
Ang 'A-1 info'

Mga alas onse noon ng umaga noong February 23 nang na-monitor namin ang radio message ng 10th Infantry Battalion papunta sa 103rd Infantry Brigade na nagsasabing namataan ng kanilang sundalo ang Abu Sayyaf malapit sa kanilang detachment sa Landugan, Lantawan, Basilan.

Nang tiningnan ko ito sa mapa, '4 clicks' lamang ito (4 kilometers) mula sa aking kinalagyang Tactical Command Post. Ang pinakamalapit kong yunit sa lugar na yon ay ang 12th Scout Ranger Company na nasa vicinity ng Hill 83 (Libok) sa itaas lamang ng Barangay Bulansa.

Dahil nakita naman mismo ng tropa ng 10th IB, nagmonitor lamang kami sa kaganapan kung ma-execute nilang mabuti ang kanilang mission.


Di kalaunan, ako na ang nakatanggap ng tawag sa URC 187 radio.


"Eagle, this is Thunder, over!" Umaalingawngaw ang boses ng Brigade S3.

"Thunder this is Eagle, go ahead sir, over!"

"Harold, ikaw na tumira dyan sa information ng 10th IB. A-1 info yan at mismong Detachment Commander ang nakakakita ng grupo."

Parang nainis ako kasi bakit kailangan pang itulak sa Rangers samantalang andon na pala sila mismo. Ano kaya hawak ng mga sundalo na yon, toy gun?


"Wilco on that sir, lakarin ko agad ngayon."

Sa militar, 'order is order'. Dapat naming sundin ang mga legal orders na kaakibat sa aming trabaho bilang tagapagtangol ng mga mamamayan.


Dismayado man ako sa sitwasyon na merong umaayaw na i-execute ang mission, go pa rin kami. Ayaw ko kasi sa hilaw at di mapagkatiwalaang mga impormasyon tapos papagurin ko lang ang tropa.

Tinawagan ko agad ang S3 ng 10th Infantry Battalion sa PRC 77 radio para magpa-briefing ng situation.

"Sir, 50 metros lang ang layo ng aming tropa mula sa mga Abu Sayyaf. More or less 15 ang nakikita niya ngunit ang iba ay nasa kasukalan kaya baka meron pa itong mga kasamahan," kwento ng S3.


Hindi ako kumbinsido sa kwento na iyon.  Baka naman nag-hallucination ang damuhong sundalo sa sobrang stress.
 

"Eh bakit ayaw nyo pang bakbakan yan? Ilan ba yong tropa mo?"

"Sir, 20 sila lahat kaya lang 1 lang ang sundalo at mga CAFGU at CVO na ang iba. Panay 'surit-surit' (home-made guns) ang gamit ng karamihan kaya nag-hesitate ang Sarhento ko," dagdag nya.


"Pero 50 metro lang yan, kahit sumpak at air gun maitama ko na dyan!"

"Sir, mas tiwala kami sa inyo kaya mas maiging kayo na para sigurado." 

"Okay, saan ang grid location nya at bigyan mo ako ng frequency ng radio nila para mag-link up kami. Siguraduhin mong A-1 info yan mamalasin kayo sa akin pag 'awanin' info na naman yan na puro imahinasyon lang!"

Nagulantang at tila himatayin ako sa sagot ng S3: "Sir, Icom VHF Radio ang gamit nya at wala rin syang mapa at compass. Nasa gilid daw sila ng Pangasahan Hill sir".


Ang Icom VHF radio ay commercial radio na ang frequency ay iba sa gamit namin na military radio sets. Wala akong dalang ganong radyo na dati ay ginagamit rin ng militar ngunit hindi safe ang frequency nito dahil nakokopya ito ng kung sinu-sino.

Nag-panting ang tenga ko sa narinig. "Ano ba namang klaseng patrolling mission yon? Lahat na lang ata ng violations ay ginawa na nila!"

Alam ko na may problema kaming susuungin maliban sa pakikipagbarilan sa mga Abu Sayyaf, dahil sa sitwasyon na yon.


Paano ko sila mahanap na hindi kami magkabulagaan at magkabarilan? Problema pa inabot ko. Dapat ako ang bumaba sa level ng mga damuho.

Agad kong pinatawag ang aking mga Team Leaders at pati si Lt Mon Gurat na aking Platoon Leader para sa aming mission briefing. Mahirap ang mission briefing pag malabo ang information at ang execution. Parang chanting sa takbuhan: Mission unspoken, destination unknown.

"Gentlemen, binigyan tayo ng mission. Nakita raw ng taga 10th IB ang 15 bandido na may hawak na hostage. Walang dalang mapa at compass, at ibang klaseng radio ang dala ng mga sanamagan kaya mag-ingat tayo. Ang una nating gagawin ay link-up operation. Relay lang ng messages sa S3 ng 10th IB at ibato nya sa bruhong Detachment Commander. Ang pinakauna nating gawin ay hagilapin itong mga damuho then silipin ang kanilang sinasabing enemy sighting. Pagkakataon na naman nating masubukang i-rescue ang mga hostages. Wag kalimutan ang bilin ni COMSOUTHCOM (General Roy Cimatu) na wag patamaan ang mga hostages. Bawal ang mag-automatic fire. Aim your shots kagaya ng ating training. Mag-isyu ako ng FRAG-O (Fragmentation Order) kapag matapos natin ang recon."

Pagkatapos ng aming SOP na Psalm 91 at personal prayers, binigyan ko sila ng pagkakataon na mag-prepare sa loob ng 20-minuto.

Mag-alas dos na noon kaya nag-desisyon akong mag-entrucking papuntang Golden Harvest na nasa hilagang bahagi ng Pangasahan Hill. Bilang panigurado, nagpa-escort kami ng dalawang tangke para panlaban sa ambush.

Inabot lamang kami ng humigit kumulang sa 30 minuto para maabot ang aming Line of Departure (LD) sa barangay Golden Harvest.

Merong iilang mga Chavacano ang naabutan namin sa lugar na tila ay masayang nakakakita ng sundalo. Mga iilang buwan lang kasi nakaraan ay nakidnap rin ang iilan sa kanilang mga kaanak.
 

Nang tinanong ko sila kung merong nabalitaang presensya ng mga bandido, wala silang maisagot. Me bahid pa rin ng takot sa kanilang mga mukha ngunit ang iilan sa kanila ay galit sa mga bandido habang nagkukwento.

"Lalabanan namin ang mga iyan sir kung bumalik. Hindi sila nakikipag-away ng patas," sabi ng isang patpating residente na may hawak na itak.


Ang 'Link-up operations'

Sa infantry, regular na ginagawa ng mga yunit ang tinatawag na 'link-up operations'. Ito ay ang organisadong pagtatagpo ng dalawang yunit sa isang lugar na kanilang na-identify sa ground.


Kasama sa fundamentals ng link-up ay ang communications, far and near signals, passwords and countersigns.


Dapat ang link-up point ay identifiable terrain feature sa ground at madaling ma-locate sa mapa, ang geographical representation ng actual terrain.

Ewan ko ba, halos lahat ng mga fundamentals ng link-up ay hindi na nasunod dahil sa kapalpakan ng sundalo ng 10th IB. Ano pa ba magagawa ko sa  mga panahon na iyon?


Para ma-establish ang communications between the mobile at stationary unit, kailangan ko pa itong i-relay sa kanilang S3 dahil kami lamang ang merong magkaparehong radyo.


"Sabihin mo na andito na ako sa paanan ng Pangasahan Hill, sa malapit sa barangay ng Golden Harvest. Sabihin mo kunin nya ang pinakatuktok ng bundok na ito at huminto sya doon. I-describe sa akin ang kinaroonan nya."

Paglipas ng mga kalahating oras, tumawag na ang S3: "Sir, andon na raw sya sa tuktok ng bundok, sa ilalim ng mahogany-han. Apat sila na andon, me kasamang CVO na naka-shorts."

"Okay, sabihin mo na paakyat ako galing sa North papunta sa tuktok ng Pangasahan Hill at tutumbukin ko ang mahogany-han. Maglagay ang aking Lead Scout ng tali na pula sa sight tower ng M16. Wag magpa-kaang-kaang at magkakabarilan kami."

Dahan-dahan na naming inakyat ang Pangasahan Hill. Medyo matarik ito ngunit merong trail paakyat. Maraming niyog sa slopes nito ngunit medyo makahoy sa itaas at nakakalbo yong pinakatuktok.


Dumaan kami sa masukal na bahagi at salitan kaming naglalagay ng overwatching elements na pangontra sa ambush.


Pagkatapos ng halos isang oras, nakita ko na ang mahogany-han pati ang tuktok. Dahan-dahan kaming lumapit at huminto pagdating sa kasukalan. Stop...Look....Listen...Smell.


Walang palatandaan na me tao. Sipol ng hangin at hingal ng mga kasamahan lamang naririnig ko.


"Sir, wala mang tao dito. Wala ring indications na me dumaan base sa mga damo," sabi ni Sgt Dante Bulawan, ang Team Leader ng pinaka-leading elements.

Banas na ako sa inis na tumawag muli sa  S3: "Pare, wala ang mga tao mo rito. Mabuti pa ang aso, marunong mag-land navigation at nakakauwi sa kanyang amo.  Kamo paganahin nya ang common sense. Humarap sya sa direction ng Isabela City at dapat ang dagat ng Canibungan at Landugan ay nasa kanyang likuran. Lumakad sya kamo hanggat makita nya ang gilid ng slope at makikita nya ang mga niyugan sa Barangay Golden Harvest. Nasa mga puno kami ng mahogany. Pag makita namin sila, sisipol kami ng 3 beses. Sagutin nya ng mahabang sipol 2 beses. Pag mali ang sipol, sorry na lang puputukan namin agad at kaaway na yon!"

Inis na inis na ako sa sitwasyon kasi malapit nang mag-sunset. Mga alas kwatro y media na noon, dahil sa palpak naming link up operations.

Dakong alas singko, namataan na namin ang apat na tao. Sa hitsura nila, mapagkamalan mong mga Abu Sayyaf. Di man lang makuha na magsuot ng kumpletong uniporme ang kahit ni isa sa kanila at tila ay naghahagilap lang ng gulay sa likuran ng detachment.


Naka-tutok ang aming mga baril sa kanila, sumipol ang aming Lead Scout ng near signal. "Tweeeeet! Tweeet! Tweeet!"

Tumama naman ang sagot. Tweeeeeeeeeeeet! Tweeeeeeeeeet! Takot lang nila.

"Positive contact na kami sa tropa mo. Monitor ka lang," sabi ko sa S3 ng 10th IB. Ibinato ko rin sa Brigade S3 ang aking location. Kopya ng aking Motorola ang S3 kasi meron itong repeater.
"Eyes on"
 

Sa recon operations na ginagawa ng Rangers, ito ay may apat na mga principles. Para matandaan namin lagi, ang acronym dito ay GATE (Gather info, Avoid detection, Task Organize at Employ Security).
 

Kapag recon missions, hindi dapat mag-engage kasi dapat ayusin muna ang plano base sa priority information requirements na makukuha sa objective.
 

Kasama sa produkto ng recon teams ay observation logs at military sketch, kaya kapag kumpleto ang mission sa recon, mas pulido ang kasunod na mission.
 

Sa aming ginagawa sa Landugan, panay short cuts kami. Dahil hindi marunong sa recon missions si Sarhento na Detachment Commander, kami na rin gumawa para sa kanya at ako na rin ang QRF (quick reaction force). Kami na!
 

Mga 15 minuto lamang kaming naglakad, natumbok na namin ang kinaroonan ng mga kasamahan ni Sarhento. Nakaupo lamang sila. Inginuso nila sa akin ang isang puno.


"Sir, pag akyatin mo yan ng konti, masisilip mo ang mga Abu Sayyaf at ang hostage. Dahan dahan lang kasi mga 50 metro lang ang layo nila dyan sa ibaba," sabi nya.

Di man ako kumbinsido, nag-decide ako na aakyat. Pinapwesto ko ang aking gunner at snipers just in case magkaputukan. Para sa akin ay 'to see is to believe'.

Inch by inch, inakyat ko ang puno habang dahan dahang sinisilip ang nasa ibaba. Nakita ko medyo masukal ang ibaba at nakikita ko ang mga tuktok ng mga niyog sa lower grounds.


Kumalabog ang puso ko sa aking nakita. Nagsasaing ang maputing  babae at binabantayan ito ng naka-M14 na bandido na nakaupo sa gilid ng galon ng tubig.


Nakita ko ang ibang tent ay nakatupi na at ang mga backpacks ay nakasara. Sa aking assessment ay tila paalis sila.

Di kalayuan sa kanila meron akong nakitang 4 na nagbobolahang nakaupo. May mga dulo ng paa akong nakikita na nakalabas sa blue laminated sacks na ginawa nilang tent.


Hindi bababa sa sampu ang kanilang bilang. Limang armas lang ang aking nasilip, at 3 tents ang aking nakita.

Sapat na iyon sa akin, nabawasan ang inis ko sa mga taga 10th IB.


 Sa Rangers, konting coordinations lang, madaling magkakaintindihan. Dahil ito sa confidence sa isa't-isa sa paulit-ulit na drills. Tinipon ko silang lahat na mga Team Leaders pati si Lt Gurat para sa aking FRAG-O.


"Sgt Amolar, ang Team ang magpwesto dito sa itaas at magiging over-watch sa two teams na mag-assault. Gapangin natin hanggang 10-15 metro ang layo para masiguro ang targets. Gawin ang lahat ng paraan na di matamaan ang hostage. I-secure kaagad ng team ni Sgt Bulawan papunta sa likuran kung makuha natin sila. Akin ang unang putok na maging hudyat sa lahat para pumutok sa kanya-kanyang target".


"Limang minuto lamang ang palampasin, mag-command ako ng assault. Mag-shift fire ang overwatching team kapag tumayo kami para sa assault".


Naalala ang mga taga 10th IB at sila ay aking binigyan ko ng instructions: "Manatili kayo rito kasama ng overwatching elements. Wag na kayo magpaputok at bantayan nyo na lang ang likurang bahagi ng ating pwesto."


Stalk like a panther

 
Di kalaunan, sinimulan na naming gumapang pababa at palapit sa pwesto ng mga bandido. Mabuti na lang humahangin sa pagkakataon na yon kaya naikukubli ng ingay ng mga kahoy at damo ang aming konting kaluskos.


Grabe ang pawis namin sa pag-snake crawl. Konting mali, kami ang maratrat at mapahamak kaya dahan-dahan at nakahandang iputok ang baril kapag biglang naunang magpaputok ang mga bandido.


Sa aming direksyon ng approach, kulang ang cover  ngunit maraming concealment. Di kami basta-basta makita ngunit tatablan naman kami ng iratrat na bala kung di gagana ang aming mga anting-anting.

Nakita ko ang kamay ni Sgt Bulawan at Lt Gurat na nag-signal ng freeze. Wala ni isang gumalaw kasi nasa last position na ang tropa na me kapiranggot na cover.


Hindi muna ako nagbigay ng hudyat ng 'fire' dahil hinahanap ko pa ang mga Amerikanong hostages. Medyo padilim na sa pagkakataon na iyon kaya di ko na mapapalampas ang pagkakataon. Lahat ay nag-aantay sa aking putok.


Malalim ang kinaroonan ng mga bandido at kalahati lang ng katawan ang naka-expose, ang iba ay ulo lamang nakikita. Kung gusto kasi naming makita ang bulong target ay dapat tumayo rin kami, na mag-expose din sa amin sa kanilang fires.

Di ko man gaanong kilala si Ediborah Yap, assumption ko na sya na yong nagsasaing. Nakatagilid sya sa aking posisyon at kaharap nya ang Abu Sayyaf na bantay.


Pinipilit kong hanapin ang mag-asawang Burnham. Wala sila don sa nakita kong mga tao.


May portion kasi ng terrain na nagkukubli sa iilan pa nilang kasamahan. Dahan-dahan na rin kasing lumulubog ang araw at ayaw kong umabot ng dilim dahil mahirap ang command and control. Hindi kami kagay sa Kano na may tig-isang Night Observation Devices (NODs).

Nasa gilid na kami ng bangin, at ibabaw ng spur (tila yungib na nahukay dahil daanan ng tubig) na kinaroonan nila. Umiinit na ang aking mukha sa sobrang tensyon.


Sinabihan ko ang aking katabing si Cpl Arancillo na ang tent ang puntiryahin ng kanyang M60E3 machinegun, at akin ang payatot na bandido na me suot na dilaw na 'pispis' (anting-anting ng Tausug).

Labing-limang metro na lang kami sa mga bandidong busy sa pagbobolahan. Nagtatawanan sila na walang kamuwang-muwang na inaamoy na sila ng mga musang.


Sinilip ko ang aking target sa optics ng aking AUG Steyr Rifle. Circle reticle ang nakalagay sa lens nito, at me naka-integrate na quick sights (iron sights) sa itaas bilang pang-emergency na pangsipat.


"Center of mass" hold. Interrupted trigger pulling technique. Empty lung breath hold. Tila review sa aking marksmanship skills training noong 1995.


Bang! Umalpas na ang unang bala na ang muzzle velocity ay 3,150 ft per second. Kung sa target paper pa ay sa X-ring ang tama.


Excellent follow through, pagkatapos ng recoil, nakatitig pa rin ako sa optical sights. Nahiya na syang tumayo. Kumaripas ng takbo ang babae at natimbuwang ang kanyang sinaing. Naglaho sya sa loob ng kasukalan.

Pagkarinig sa putok na iyon, chorus ang sigaw ng "Fire!", dahil halos sabay-sabay ang command ng mga Team Leaders. Bang! bang! bang! Disiplinado ang aking mga tauhan pati sa pagkalabit ng gatilyo. Magagaling silang bumaril dahil sa aming masinsinang sustainment training.

Tila mga pukyutan na binulabog sa kanilang tahanan, nakipagpalitan sila ng putok. Panay ratrat kung saan-saan ang puntirya. Ratatatatatatat! Ratatatatat! Ka-booom!


Nagpapalipad sila ng M203 at RG rounds ngunit panay lampas. Napapasubsob din kami pag marinig ang tunog na "Plooooooooooook" ng M20 Grenade Launcher para itago ang ulo at mukhang masakit yon. Napapa-smile kami pag ang "Ka-blaammmmmm!" ay nasa malayong bahagi sa likuran.


 "Allahu akbar! Allahu Akbar!" Nagtatawag pa ng Diyos ang mga rapist na bandido, sa pag-aakalang ipagtanggol pa sila ng Panginoon.

Nakita kong nagsipagtakbuhan na sila. "Assault, assault!" Prrrrrrrrrt!!


Sanay na ang aking tropa sa whistle command. Kung di marinig ang boses, nangingibabaw ang aking pito.


"Assssssssssssault! Asssssault!" Lahat ay nagsisigawan na hudyat ng pagtayo ng lahat, habang nakabantay ang overwatching elements sa likuran.

Unahan kami sa pagtayo at naka-line formation na bumaba habang pumuputok. Hinahabol namin sila pababa. Hinila nila ang iilang sugatan at patay na kasamahan.


Umabot kami ng mga 300 metro sa kakahabol nang nag-command ako ng LOA (limit of advance). Disadvantage na ang terrain para sa amin at dumidilim na ang kapaligiran pagkatapos na lumubog ang araw.


Nasa ilalim na uli sila ng kasukalan at maaaring nag-deploy ng delaying forces. Ayaw kong maisahan ang aking tropa.


Pumalpak ako sa pag-rescue sa mga hostages ngunit natuwa ako na hindi sila natamaan ng ligaw na bala nang nagkapalitan ng putok. Proud ako sa disiplina ng aking mga tauhan dahil hindi sila naging trigger happy.


Kinuha namin ang naiwang patay na bandido para bigyan ng marangal na libing. Isang Muslim na CAFGU ang nag-take charge sa kanya para mabigyan ng tamang burial rites ayon sa Islamic tradition.


Hindi madali ang hostage-rescue missions na aming naranasan.


Marami akong napulot na aral mula rito na aking ibinabahagi sa mga bagong sibol na kasundaluhan.


1 comment:

  1. Ranger C,

    Yung si Burnham, kababayan ko yan because he stayed years in Bukidnon during his missionary calling. He was a Pilot living in Nasuli, Bukidnon. I think after his death, the airport slowly got bankrupt and was sold to someone who turned it into a farm.

    I think the hangar is still there. Sadly, no more planes. No more Jet A-1 to smell, no more engine-piston to hear.

    Best Regards,
    Drey Roque

    PS:

    This was a long post but worth reading. Natuwa ako because I learned something new today, "A-1 Info". Yung mapa - mapagtatanungan nagamit ko na kanina while biking. Got lost during the way.

    Anyway, Stop...Look....Listen...Smell. Why smell sir? Medyo malalim sa terminologies itong post na to'. Di ko rin ma gets ang iba but still take 2 sa pagbabasa, parang nanuod lang ako ng Inception. hehe!

    ReplyDelete

Sponsor