Sunday, February 3, 2013

Military-related status updates and posts that I hate


Sa age ng Social Media, pati mga sundalo ay nakikisawsaw na sa networking sites na kagaya ng Twitter, You Tube at Facebook. 

Maganda rin naman ang mga networking sites na ito dahil nakakawala rin ng boredom. Dito mo makikita ang iyong mga classmate sa elementary, mga nililigawan sa high school at pati mga nakakasuntukang mga kababata. 

Marami sa mga kapwa ko sundalo at mga kapamilya nila ang kulang sa awareness tungkol sa epekto ng Social Media sa buhay nila at sa kanilang propesyon. 

Wala mang talaan ng napahamak na sundalo dahil sa violations sa operational security ay siguradong merong mga pagkakataon na ang sundalo mismo at mga kaanak nila ang naging mitsa sa disgrasya na inabot ng mga kasundaluhan. 

Sadyang nakakalimutan minsan ng mga sundalo na dalawa ang kanilang pangangalagaan, kasama dito ang kanilang personal life at professional life. 

Dahil kami ay nasa serbisyo, minsan ay napakanipis ng distinction ang tinatawag na 'pang-personal' at ang 'pang-trabaho' na gawain. 

Dahil extension ang pamilya sa aming personal life, kailangan ding pangaralan ang mga kapamilya tungkol sa kanilang responsibilidad sa kanilang engagement sa Social Networking Sites. 

Nagkaroon na minsan ng polisiya tungkol sa pag-gamit ng Social Networking Sites sa mga military-issue computers at internet ngunit hindi nito nahadlangan ang napakaraming sundalo na sumali pa rin dito gamit ang kanilang personal computers. 

Wala naman sanang problema ito ngunit dapat mapaalalahanan ang mga sundalo at pamilya nila tungkol sa tamang pag-gamit ng napakaganda ngunit nakakadismaya rin na networking sites. 


Status updates

Marami-rami na ring sundalo ang 'always present' sa networking sites at naglalagay ng 'Status Updates' sa araw-araw. 

Kung susundan mo ang kanilang mga updates sa kanilang 'Wall' araw-araw, malalaman mo ang takbo ng kanyang buhay kasama na ang pag-aaway nilang mag-asawa, masarap o nakakasuka ba yong ulam nila, mga tsismis na sinalihan o kaya mga pambatang kulitan sa mga 'comments'.

Banggitin ko ang iilan sa mga kinaiinisan kong 'Status Updates' ng military personnel:

a. "Hayyyyy. Alas dos na naman ng madaling araw kaming nagising dahil sa aming patrol mamayang alas tres sa Baiwas, Sumisip!"

b. "Kay ganda ng kapaligiran dito sa aming pulong-pulong ngayon!"---at Bacon, Sorsogon.

c. "Bweset itong bagyo, stranded ako dito sa pier!"--at Pilar wharf

d. "Ang baho  ng hininga nong ka-meeting kong Datu ng lumad! Di marunong mag-toothbrush! Ewwww!"

e. "Mahal ko, 3 days ako sa bundok simula mamayang gabi wala akong signal"

f. "Bruha ka, winaldas mo sweldo ko!" (Inaway ng sundalo ang asawa)

g. "Uuwi ang mahal ko mula sa Sulu. Gigimik kami sa Gaisano kasi nag loan sya!" (Nagyayabang na misis)

h.  "Number 2 ka lang! Mas maganda ako sayo kasi ako ang kanyang pinakasalan! Ako ang mahal ni Pfc Juan dela Cruz!" (Misis na inaway ang kerida  ng asawang sundalo at naka-tag pa ang mismong sundalo)

i. "Fu_k you terrorists!"

j. "Bwisit tong First Sergeant namin, napaka-istrikto eh ayaw naman sumama sa jogging!"


Kakainis photos


Nakakainis din ang mga photos na ipinangalandakan sa 'Timeline' at 'Albums' kagaya ng mga sumusunod:

a. Sundalong naka-uniform na wala sa ayos at naglalasingan

b. Sundalo na me kayakap na mga chicka-babes sa night club

c. Sundalong nag-dirty finger

d. Mga bagitong sundalong nakikipusta sa sabungan at nag-'K-Pop' pose pa.

e. Sundalong mukhang Abu Sayyaf kung manamit sa isang community outreach program

f.  Facilities sa kampo with proper captions pa

g.  Specialized training activities na 'for your eyes only'

h.  Sundalong nakangisi sa harap ng mga napatay na mga bandido

i.   Mga nakakatawang larawan ng sundalo na binubogbog ng 'katuwaan' at 'panlalait' na komento

j.  Misis na ipinapahiya ang kaaway na asawa  at ipino-post ang photo at paninirang captions sa kanyang 'Timeline'.



Actually, kahit ordinaryong sibilyan, nakikita dapat natin ang mga "Do's and Don'ts" sa paggamit ng Social Networking sites dahil kalimitan dito ay common sense. 

Kung masipag lang tayong mag-surf sa iba't-ibang websites ay makikita natin ang mga "lessons learned" ng ibang mga tao dahil sa kanilang walang habas na mga 'personal comments' sa Twitter at Facebook.

Mahaba na rin ang talaan ng napapahiya, napilitan ng pagbigay ng public apologies na kung saan ay nadadamay pati ang mga ahensya nilang pinagtatrabahuan.  

Dahil dito, dapat tayo na rin mismo ay maging mapagmatyag at maging maingat dahil napakadali nating masiraan o mapahiya dahil sa ating kinakatuwaang Social Networking sites.



1 comment:

  1. Very well said, Sir! Sana magpaka-professional ang mga nasa serbisyo militar at igalang naman ng pamilya natin ang ating "propesyon".

    ReplyDelete

Sponsor