Noong naka destino kami sa Basilan, hindi lang mga Abu Sayyaf ang aming kinaiinisan. Naglilipana rin ang mga tamad na mahilig magkalbo ng kagubatan.
Ang Sampinit complex sa Isabela ang natitirang gubat sa lugar. Maraming mga kakaibang hayop ang nakatira dito. Nakakita kami minsan ng spotted squirrels, maliit na gorilla (unggoy na walang buntot) at pati tarsiers. (Sinungaling yong nagsabi na sa Bohol lang merong tarsiers)
Dahil sa aming pagnanais na mananatili pa rin sa lugar ang mga naturang hayop sa kanilang natural habitat, ginagawan din namin ng paraan na matapos ang illegal logging. Hinaharang namin ito sa kanilang daanan sa may "Nursery" na syang daanan papuntang Isabela.
Ang dalawang truck na aming naharang ay pansamantalang inilagay sa kampo. Napapansin ng aming boss na panay name drop ng illegal logger sa dating Governor na si yumaong Gov Wahab Akbar.
Pang-inis na Taktika
Dahil sa posibleng pressures mula sa mga pulitiko, gumawa ang aming boss ng taktika.
Dumulog kami sa DENR upang gumawa ng kasunduan sa isang reforestation project. Ang mga Rangers ay bibigyan ng mga seedlings na itatanim at palalakihin. Merong kasulatan na hindi dapat putulin ang mga ito.
Tinaniman namin ng magagandang kahoy ang palibot ng truck na naka impound sa aming kampo. Nilagyan ito ng magandang markers at protection. Dahil matatangkad na ang mga seedlings, kitang kita na ito kahit sa malayo. Ang truck ng illegal loggers ay napaligiran na ng punong-kahoy!
Isang araw merong sulat na dumating at nagsasabing 'arborin' ang mga truck sa promise na hindi na ito hayaang gagamitin sa illegal logging. Bitbit ito ng isang opisyal na nag-oopisina sa Kapitolyo.
Dinala sila ng aming boss sa kinaroroonan ng mga truck. Ibinulatlat niya sa kanila ang kasunduan sa DENR------Bawal putulin ang mga puno hangga't ito ay nasa tamang gulang at kung ito ay may pahintulot sa DENR.
"Ayan, kung ayaw nyo na mag-illegal logging, kunin nyo na ang inyong truck. Basahin nyo muna ang kasunduan na yan. Baka kailangan nyo ng crane," naka-ngising bilin ng aming boss sabay talikod.
Umuwing luhaan ang mga illegal loggers at ang kanilang ninong.
No comments:
Post a Comment