Monday, November 21, 2011

Christmas Break: Ang bulungan sa Sampinit Complex

(Disyembre 2001)

Umabot na kaming isang buwan na paikot-ikot sa kagubatan ng Sampinit complex sa tri-boundary ng Maluso, Sumisip at Isabela.

Marami nang mga engkwentrong nangyari. Laging mabilis pa sa alas kuwatro ang takbo nina Abu Sabaya at Isnilon Hapilon, dala ang mga hostages.

Tuloy-tuloy ang tracking operations namin. Hindi namin tinatantanan ang mga damuho kahit mag-Christmas na.
 
Pero, bilang regulasyon at para na rin mapanatili ang combat effectiveness, pinayagan ng mga nakakataas na magkaroon ng Chrismas leave ang tropa sa tatlong batches.
 
Palitan ang sistema sa uwian pag Pasko. One is to one. Malas mo pag pahuli-huling dumating ang kapalitan.

Nasa lugar kami na kung tawagan ay Kan Jana sa kagubatan ng Maluso, nang nagkaroon ng radio message na pwede kaming magpauwi ng mga tauhan sa Pasko.
 
Marami ang naka-smile na tropa sa balitang iyon. Matagal na rin naming nailatag ang aming schedules at karamihan ay pinabili ko na ng tiket.
 


          Ang aking pinamunuang mga magigiting na Scout Rangers sa Sulu at Basilan.


Noise Discipline

Sa pamamagitan ng aming tactical radios, ipinaaabot namin sa aming admin personnel ang aming mga mensahe tungkol sa aming bakasyon.

Dahil nasa operational area kami, mahigpit pa ring ipinatutupad ang 'noise discipline' para hindi kami matunugan ng mga kalabang maaaring nasa paligid lamang.

Nakasanayan ng mga nakamonitor na mga Koronel at Heneral sa Tactical Command Post na kapag nagbubulungan ang mga Scout Rangers, may nakikita na itong mga kalaban.
 
Putukan na ang kasunod kapag nasa 'whisper mode' kami.
 
Sa sobrang hina ng bulong-bulongan na usapan ng isang opisyal at ang kanyang RATELO na  nasa linya, lalong naintriga ang mga boss.

"Ihanda ang helicopter at ang artillery, baka mapaengkwentro ang mga Musang," sabi ni Batcom kay S3 (Operations Officer).

Halos idikit na nila ang kanilang mga tenga sa handset para ma 'decode' ang pinag-usapan ng mga sundalo. Animo'y naka-Enigma code ang radio transmissions. Excited sila.

Walang boses na maririnig, panay bulong lamang na parang mag-asawang naglambingan sa kwarto.
 
Sanay sa ganitong 'bulungan transmissions' ang mga Rangers. Ito ang isa sa pinakamahigpit naming SOP.

Kinalaunan, napahalakhak ang lahat pati ang Brigade Commander.

Ito ang kanilang na-diskubreng usapan sa 'careless whispers' ng mga Musang sa PRC 77 FM radio:

"Toto, kunan mo ako ng tiket, sa December 24 ng umaga ang lipad ko galing Zamboanga. Bilhan mo ko ng lobster sa coop ng SF sa Lampinigan island.  Wag mo sabihan si Misis at i-sorpresa ko!"

Larawan ng resupply operation na kung saan ay isinasakay na rin ang mga sundalong naka-schedule para sa kanilang passes o leaves. (10SRC photo)

No comments:

Post a Comment

Sponsor