Saturday, November 19, 2011

Checklist ni First Sergeant

Habang nasa kagubatan ang karamihan ng mga Rangers upang magsagawa ng combat missions, ang karaniwang naiiwan sa kampo bilang "S-all" (staff para sa lahat ng support systems) ay ang First Sergeant.

Ang First Sergeant ng Philippine Army ay ang syang pinaka-senior na non-commissioned officer ng unit. Sa Scout Ranger Company, sya ang pinaka-kanang kamay ng Company Commander.

Ang First Sergeant ay ang pinakatulay ng mga enlisted personnel sa mga officers. Sya rin ay ang pinaka-astig na NCO na nagdidisiplina sa mga tropa.

Kindat lang ng First Sergeant, 'tupi' agad ang mga pasaway. Pero, mas aayawan ng mga sundalo na aabot pa sila sa Ex-O na syang bastonero sa kumpanya, kaya minamabuti na nilang sumunod sa regulasyon sa level pa lang ng First Sergeant.

Ang First Sergeant ay karaniwang tinatawag na si "First". Yon ang nagiging first name nya. Halimbawa, kung si Msgt Juan Dela Cruz ay naging First Sergeant, ang bansag sa kanya ay si First Dela Cruz o "First".

Isang araw, napabakbak ang aming kumpanya sa may Upper Manggas, Lantawan, Basilan. Merong mga sugatan. Kailangan ng reinforcement para mapalitan ang tropang mag MEDEVAC (medical evacuation).

Dahil si First ang andon, sya ang maghatid sa tropa papuntang drop-off point, ang lugar na kung saan ay dapat maglakad o magtakbo na sila papunta sa encounter site.

Dapat walang makalimutan

Isang malakas na sigaw ang umalingawngaw sa katahimikan ng kampo. "All available personnel, lalo na ang reserve teams, form!!!"

Karipaspas ang lahat sa formation area. "Mag-reinforce ang isang section sa inyo. Basahin ang mission-essential task list," sabi nya bago nagpatuloy na nag-briefing ng kanyang warning order (W.O.).

"In 10minutes, andito na kayo at ihatid ko kayo sa area. Gamitin natin ang M35 truck".

Pagkatapos ng sampung minuto, nakahanda na ang lahat. "I will give you 5 minutes para sa final inspections. Dapat walang makalimutan," bilin nya.

Sa kanyang likuran ay panay pangungulit ng RATELO (radio-telephone operator) na lima na ang wounded sa mga kasamahan. Na-tense si First.

Wala pang 5 minutes, sumigaw na si First. "Gentlemen, load the truck!". "Dapat kabisado nyo na yan lahat at dapat di nyo nakakalimutan mga maliliit na detalye!"

At, kumaripas na sila papunta sa baku-bakong daanan papuntang direction ng encounter site. Mga dalawang kilometro na ang kanilang nabyahe, nag-simula na silang todo alerto kasi panay ambush site ang kanilang dinadaanan.

Muli, isang malakas na sigaw ang naririnig kahit sa lakas pa man ng andar ng trak. "Balik! Balik muna tayo sa kampo!"

Nagtaka ang lahat. "Bakit First???", tanong ng mga sundalo.

"Damuho yan, naiwan ko baril at bandoleer ko! Wag nyo kong ipapatay na walang laban!".

At, sa gitna ng tensyon, tinatakpan ng mga sundalo ang kanilang bunganga sa kanilang paghahalakhak sa sitwasyon ng kanilang ulyanin ngunit minamahal na si First.

No comments:

Post a Comment

Sponsor