Sunday, February 9, 2014

Ang musang sa bakawan: Ang paghagilap kay Robot (Leadership Experience Part 19)

Screen grab ng Google Map ng barangay Buhangin Puti sa bayan ng Talipao, Sulu na kung saan ay makikita ang parte ng mangrove forests na pinagtataguan naman ng mga bandidong Abu Sayyaf. May kaibahan ang hitsura nito sa taong 2000 dahil sa masukal na bahagi lalo na sa pagitan nitong lugar at ang Bgy Mabahay na nasa silangang bahagi nito. Tuwing low tide ay nalalakad lamang ang ibabang bahagi ng nasa larawan.


Maaga kaming nag-almusal kinaumagahan at nagpasaing na rin ako ng tanghalian at hapunan, alinsunod sa aming SOP na "2-meals up".

Gamit ang aming portable stoves, kanya-kanyang asikaso na ang mga Kaldero 6, ang most junior enlisted personnel na syang naaatasan sa ganitong gawain. 

Napansin ko na paubos na naman ang aming baong tubig at kailangang makahagilap ng water point kundi tubig ng niyog na naman ang aming pangsabaw. 

Pursigido na rin akong madiskubre kung saan talaga kumukuha ng tubig ang mga residente doon. Grabe naman kung talagang sa bayan ng Maimbung pa sila nakakahanap. Kalokohan ata yon kung di nila nagawan ng paraan na maghukay man lang sa paligid ng Talipao. Maliban na lang kung nangingibabaw ang katamaran, di talaga sila makahanap ng tubig.

Dakong 7:30am ng umaga, nakahanda na kami na i-link up ang lahat ng tropa sa lugar, kasama na doon ang isang kumpanya ng Special Forces na dala ni Lt Nick Banzuela at ang 12th Scout Ranger Company na nooy dala ni Lt Regie Binalla. Pinagplanuhan naming pagtulungang halughugin ang mangrove areas ng Buhangin Puti para hulihin ang mga bandidong syang nagpakawala sa grupo ng Jesus Miracle Crusade. 

Malapit lang ang pwesto ko sa mismong bahayan ng Buhangin Puti. Nang minarkahan ko ito sa mapa at sinukat ko ang layo mula sa aking Patrol Base, more or less 400 metro air distance southwest lamang ito. Kapag tactical movement gamit ang vegetated routes, hindi ito aabutin ng isang oras. 

Nang napasingaw at napalamig na ang mga sinaing, naghudyat na ako ng paghahanda sa aming movement. Agad na nag-account ang mga Team Leaders ng kanilang tauhan at ito ay inireport sa Platoon Sergeant, na sya namang mag-report sa akin. Sa panahong iyon, nasa paternity leave ang aking Ex-O kaya naman mag-isa kong inaatupag ang combat missions. 

"All accounted na ang lahat ng tropa sir," report ni Sgt Fernandez sa akin. "Naka-arrange na rin ang order of movement natin at natapos na ang radio-check pati ang inspection of equipment."

Alam na alam ng aking tropa ang routine tasks sa mga movement. Naiinis kasi ako sa mga pakaang-kaang na NCOs na syang sanhi ng mga simpleng kapalpakan. Sinasanay ko sila na gawin ang kanilang trabaho na hindi kailangan ng aking personal supervision. Ayaw ko naman kasi na aasta na rin akong Platoon Sergeant at Team Leader. 

Kinausap ko ang mga katabing units upang i-coordinate ang aming aksyon. Sa estimate ko kasi, ako ang mauuna na makarating sa lugar kaya ako ang magsisilbing stationary unit para i-coordinate ang movements ng ibang units na mag-sama-sama sa iisang assembly area.

Muli, sinamahan ko ang leading team sa aming movement papunta sa Buhangin Puti. Maingat pa rin kami sa paglalakad patungo sa lugar. Pinapatingnan ko lagi ang ground kung may blood traces o kaya bagong nasagi na mga damo. Hindi rin kami nakakasigurado kung may napagawi rito na kasamahan ng aming naka-engkwentro. 

Mga kalahating oras ang aming paglalakad nang bumungad sa amin ang isang 'sighting'. 

Nagtaas ng kaliwang kamay ang Lead Scout at nagsignal ng open palm at sinundan ng pagpatong ng kamay sa ulo na tila sumasaludo. Iyon ang aming hand-and arm signal ng "Halt" at "House". 

Nagsignal ako ng 'halt' at 'map check' sa lahat ng mga kasunod upang ipasa nila ang aking kautusan hanggang sa likuran. 

Pumunta ako sa harapan at ako ay namangha sa aking nakita. Bumulalas iilang metro sa southern part ng bahayan ang ganitong tanawin.

                          
    
"Wooooooooow! Parang Boracay din!"

Ang ganda ng tanawin na aking nakita. Talo pa nga ang Boracay, sa aking opinyon. Pang ecotourism ang lugar. Napakalinaw ng tubig at nakikita mong naglalangoy ang mga maliliit na isda pati ang naghahabulang maliliit na alimango. Maputi at pino ang buhangin at mayroong mga mangrove forests sa paligid. 

Sa western part pa ng mangroves na aking kinaroonan ay makikita ang isang clearing na kung saan nakatirik ang mga bahayan. More or less sampu ang mga bahay na andon. Ang ibang bahay ay nasa gilid ng beach at ang iba naman ay nakasawsaw sa tubig. Naiinggit ako sa mga residente doon. Mantakin mo ba naman na napakagandang tanawin ang kaharap mo sa araw-araw!

Sa aking nakita, parang gusto kong hubarin ang aking Battle Dress Attire at palitan ng swimming trunks at snorkel. Ngunit, nanumbalik ako sa katotohanang merong mga bandido na nagtatago sa kasukalan ng mangrove. Nasira agad ang aking munting panaginip.

Nang sinilip ko ang aking mapa at ang distansya ng bahayan, napansin ko na halos dalawang daang metro na lang ako mula dito. Wala ni isang tao ang andon nang tiningnan ko ito sa aking Steiner binoculars. May mga bangka na nakatali sa gilid ng dalampasigan at ang iba naman ay inilagay sa gilid ng dalampasigan. No man's land ang lugar. Nadadamay din sila sa kalokohan ni Robot na taga karatig Barangay sa Bandang. Syempre, andon na rin ang posibilidad na nasilaw sa salapi ang iilan sa mga kalalakihan doon.

Nagpasya akong manatili sa lugar habang nag-aantay sa mga kasamahan na paparating pa lamang. Habang nag-aantay, naisipan ko namang hanapan ng solusyon ang problema namin sa tubig. 

"Pangga, magpadala tayo ng isang recon team sa gilid ng dagat. Baka naman may maliliit na creeklines na may tubig kasi dito ang pinakababa na elevation. Posible rin na meron yan silang igiban kasi dito nila pinili na magtayo ng bahayan. Ang LOA natin ay ang puno ng kahoy 100m east ng pinakaunang bahay."

Habang inaantabayanan ng isang team ang recon elements, abala naman ako sa pag-aaral sa mapa paano namin pasukin ang mangrove forests doon. 

Ito naman ang hitsura ng malalim at maputik na bahagi ng mangrove forests sa lugar na aking kinalagyan. 

Ang ibang portion ng area ay malalim at maputik, habang mababaw naman ang sa iilan. Kung magkakabarilan sa looban nito ay pantay ang labanan. Parehas kaming maghihilamos ng bala. Kailangan lang talaga ang diskarte. Palitan ang advance ng elements at mag-lalagay palagi ng overwatching elements. Ang mga lugar na lang na iyon ang natitirang hindi pa nahalughog kaya malaki ang posibilidad na andon pa sila. Ang nakasagupa naman namin ay maaaring parte sa outer security nila na syang tigadala ng kanilang pagkain. Sigurado ako ngayon na gutom na gutom na sila at hirap na hirap sa pangungunyapit sa mga puno doon. Kasama na yon sa punishment sa kanilang mga kasalanan.

Ear to ear ang smile ng aking radio man na si Cuevas nang lumapit sa akin at iabot ang hand set ng PRC 77. Nasa kabilang linya ang Team Leader ng recon elements.

Tuwang-tuwa ang boses ni Cpl Rosel Tayros na nagreport sa akin.


"Sir, positive ang water point! Nasa gilid ng dagat pala at saka lang nakikita kapag low tide!"

So far, iyon ang pinakamagandang balita sa araw na iyon. Pinaghanda ko agad ang pagsalitan na mag-igib ng tubig. Kapag maabutan kasi kami ng high-tide, good bye na rin ang aming water point. At least, hindi na maulit ang pagsabaw ng tubig ng 'botong'. One problem is solved.

Mga iilang saglit lamang ay paisa-isang nagdatingan ang mga kumpanya na aking ka-link up. Humigit kumulang kami sa 150 ka tao ang nag-iipon para sa tracking operation. Sa dami namin ay matatapos namin ang paghalughog sa loob ng isang araw. 

Bilang most senior sa grupo, ako na ang nanguna sa kanila paano isakatuparan ang plano. Hinati ko ang grupo at binigyan ng kanya-kanyang sector. 

Sa mangrove area na nasa aming assembly area, ang 12th SRC na pinangunahan noon ng kanilang Platoon Leader na si Lt Regie Binalla ang take charge doon. Kumuha sila ng isang bangka para gamitin sa pagtawid sa mga malalalim na lugar. 

Sa southwestern part ng bahayan, ang aking kumpanya at ang Special Forces naman ang magkasama. Samantala ay nag-iwan naman kami ng security elements sa dalampasigan na syang magbabantay sa amin at mag-reinforce kung kailangan. 

Inilipat ko ang aking patrol base 100m west ng bahayan para doon kami magsimula sa pagsagawa ng paghahalughog. Nag-designate lamang ako ng 3 teams na sasama sa akin at ganong dami rin ang sa Special Forces. 

Sa paligid ng bahayan ay nakita ko naman ang iilang alagang pato na naglalangoy sa dagat. Tila naramdaman nila na may 'panganib' dahil sa aming presensya doon. 

Sa muli ay nasubukan na naman naming mag-operate sa mangrove area kagaya ng aming karanasan sa Bgy Bulansa at Canibungan sa Lantawan. 

Minsan, parang na-tempt na akong ipa-bomba at i-planting rice ng 105mm high explosive rounds ang lugar para mapulbos na silang lahat,  ngunit nanaig ang hangarin ko na usisahing mabuti at baka naman andon pa ang Malaysian hostages na hawak din nila sa mga panahon na iyon. 

Dahil kailangan sa mission, sumawsaw ang mga musang sa dagat upang hagilapin ang mga bandido na posibleng nagtatago doon. Sa aming sector, hanggang tuhod lang ang tubig sa mga oras na iyon at panay buhangin ang naaapakan namin kahit pa man 100 metro na ang layo sa dalampasigan.

Giniliran namin ang bakawan habang naghahanap ng magandang approach papunta sa loob. Naka-skirmishers in line kami at nakatutok sa sukalan dahil posible na sila ay nakaabang lang sa amin. Para mayroong back-up plan sa pagpasok sa malalalim na bahagi, hinihila namin ang isang bangka para magamit sakaling kailangan.

Tumatagaktak na ang aking pawis at puno ng tensyon sa posibleng barilan nang maulinigan ko ang kaguluhan mga 200 metro sa silangang bahagi na kung saan ay naka-deploy ang 12th SRC. 

Huminto kami at pinakinggan ang ingay na likha ng mga Musang na andon sa gilid ng sukalan. Nang nilingon ko ang kanilang pwesto, nakita ko na merong mga tropang nakasakay sa bangka at me hinahampas sa tubig. Nagtatawanan sila at nagsisigawan. Nawala ang kanilang disiplina.

"Hoooooooo! Nya met ten! Ayan na?"
  

(Ipagpatuloy)




No comments:

Post a Comment

Sponsor