Sunday, December 15, 2013

Best Company competition: Battling with the best, leading the rest (Leadership Experience Part 12)


Nasa larawan ang ilan sa mga magigiting na mga Company Commanders ng First Scout Ranger Regiment noong 2001. Kuha ang larawan pagkatapos ng Company Commander's workshop iilang araw bago ang anniversary celebration ng FSRR. (FSRR Photo)
Ang isa sa pinag-aagawang korona ng mga namumunong opisyal sa First Scout Ranger Regiment ay ang pagiging Best Company. Ito ay isang patimpalak na kung saan ay nasusukat ang galing ng isang pinuno paano pamunuan ang kanyang yunit sa larangan ng administration at sa operations.
Simula nang ako ay naging kasapi ng FSRR noong 1995, dalawa ang Best Company streamer na pinag-aagawan ng labing dalawang kumpanya tuwing anibersaryo ng aming yunit. 
Ang una ay ang Best Company for Administration na kung saan ay sinusukat ang kagalingan ng yunit sa larangan ng management of personnel, finance at logistics. Para makuha ito, dapat kumpleto ang mga reports, mataas ang bilang ng skills training activities, mababa ang bilang ng administrative cases, marami ang nakamit at na-proseso na awards, maayos ang pamamahala sa logistics at sa pondo; may mga programa ng morale and welfare, running condition ang mga sasakyan at maganda ang estado ng mga kagamitang pakidigma. Ito ang streamer na nakuha ng 7th Scout Ranger Company na pinamunuan ni 1st Lt Jason LY Aquino noon 1996, nang ako ay Platoon Leader pa lamang.
Ika nga, gawin mo lang ang trabaho bilang Manager sa kumpanya, ayos at palaban ka na dito. In short, kailangang masipag sa gawaing pang-opisina. Yes, lingid sa kaalaman ng iba, gumagawa kaming mga Rangers ng office jobs kahit nasa field kami.
Samantala, mas pinag-aagawan naman ang mas prestihiyosong Best Company for Operations. Bilang yunit ng mandirigma, mas ipinagyayabang sa FSRR ang Best Streamer na ito. Bilang direct action unit, simple lang ang pagsukat kung sino ang pinakamagaling dito: 1. Paramihan ng napatay na kalaban; 2. Paramihan ng nasamsam na armas; 3. Paramihan ng napa-surender na kalaban at armas; 4. Paramihan. Negative score naman ang abutin kung namamatayan at na-agawan ng armas. Ito naman ang nakuhang bragging rights ng 12th Scout Ranger Company na pinamunuan ni 1st Lt Elmer B Suderio noong ako ay Executive Officer sa naturang yunit. 
Personal challenge
Nang tinanggap ko ang Company Colors ng 10th Scout Ranger Company mula kay Regiment Commander Colonel Peter H Espadero noong April 1, 2000, ito ang kanyang sinabi: "Be sure ka ha!"
Maikli lamang ang kanyang pananalita ngunit hindi ko yon nakakalimutan. Iba kasi kapag hinahamon ang kakayahan. Gustong-gusto ko lagi yong may challenge. 
At, tunay na tunay ang aking challenges dahil sa syam na taon simula nang ma-reactivate ang 10th Scout Ranger Company noong October 1, 1991, wala pa itong nasungkit na Best Company streamer. 
Nang binuhat ko ito para tanggapin ang mabigat na responsibilidad bilang Company Commander, 'napakagaan' ng guidon kasi walang nakasabit na streamers dito. Napasagot tuloy ako sa aking Commander: "Yes sir, I will do my best sir!"
Bilang commander, syempre gusto kong patunayan na kaya ko ring makakolekta ng Best Company streamer. Batid ko na kayang masungkit ng Best Admin category kung magdoble kayod lang at maging innovative sa diskarte ng pamumuno. 
Ang problema ay ang Best Company for Operations dahil kailangang nasa deployment kami na napakarami ang 'laman' (lingo namin sa armadong kalaban kagaya ng Abu Sayyaf at NPA). 
Habang nasa Bulacan ang aming kumpanya, malabolix naming makuha yon. Ang ganang akin na lamang ay maihandang mabuti ang aking yunit para sa takdang panahon na kami ay sasabak sa gyera sa pamamagitan ng masigasig na skills sustainment training at sa pag-aayos ng lahat ng mga problema sa aming admin. 
Naniniwala ako na kaya naman ng yunit na makamit ang mataas na level ng excellence. Ika nga, "There are no bad units, only bad leaders!". Kung ayos ang lider, ayos din ang subordinates. Nasa nagdadala lang talaga yon.

Popularity vs Example

Kalimitan, dalawang kategorya lang naman ang lider na aking nakikilala. Ang una ay yong mahilig sa Leadership by Popularity o yong mga pinuno na idinaan sa pasikat ang pamumuno. 

Para makuha ang loyalty ng mga tauhan, ibinibigay nya ang lahat na gustong kapritso ng mga tauhan. Pwede ang lahat basta 'respetuhin' at kilalanin lang sya bilang pinuno. 

Para sa akin, 'walang silbi' ang ganong klaseng mga opisyal. Ginagawa nilang dekorasyon ang kanilang ranggo. Mantakin mo ba namang 'complete democracy' ang ginagawa, samantalang hindi ito applicable sa isang military organization dahil sa panahon na nanumpa kami sa aming tungkulin, may mga karapatan na kaming ipinagpaubaya para makamit ang mataas na antas ng disiplina na kailangan ng militar. Simple lang ang sintomas ng ganitong pamumuno:

1. Mukhang bandido ang mga sundalo as in kamukha na sila ng NPA at Abu Sayyaf dahil ayaw magpagupit at shabby-looking ang itsura at pananamit (me pa-cute pang nagsusuot ng butas na combat boots);

2. Merong mga manok na panabong sa kampo at authorized lahat ng sugal kaya baun-baon sa utang mga sundalo;

3. Kalunos-lunos ang hitsura ng sasakyan at parang hinihika kung umandar at kalbong-kalbo na ang gulong;

4. Parang merong competition ng "Biggest Loser" sa dami ng naglipanang budik-budik na sundalo;

5. Kinakalawang yong mga bitbit na armas ng sundalo;

6. Laging wala yong mga opisyal at di malaman kung saan at 8am-5pm mentality ang mga sundalo;

7. Mas lamang ang oras sa patulog-tulog kaysa pagpapawis sa training;

8. Mas alam ng mga sundalo sino ang boy friend ni Marimar ngunit di ma-enumerate at ma-discuss ang simpleng Troop Leading Procedures (mas lalo na kung ipag-perform ng counter-ambush TTPs). 

9. Naka-tsinelas at nakasando ang naka-duty sa Guard Post;

10. Halos gabi-gabi ang 'Happy Hour' na lasingan. 


Ang pangalawang klaseng lider ay yong ginagawa ang Leadership by good example. Syempre, iyon ang mas mahirap at pambihirang lider. Mas madali itong sambitin sa lectures kaysa i-practice ng makatotohanan. 

Sa panig naman ng mga sundalo, sila ay susunod sa kautusan ng kusang loob kung nakikita nilang mapagkatiwalaan at matino ang kanilang opisyal. 

Ang ibig sabihin, kung ano iniuutos ay dapat ginagawa rin. Dapat tinitingnan ang kapakanan ng mga tao at wag silang ituring na alipin. Bigyan ng rewards ang may accomplishment at me punishment ang pasaway na di mapagsabihan. Simple lang, di ba?

Hindi perpekto ang aking leadership approaches ngunit lagi kong sinusubukan na akma lagi sa mga sitwasyon. 

Para makuha ang timpla sa pamumuno, iba't-iba ang  ginagamit kong leadership style ayon sa kung sino ang kaharap o ka-deal na sundalo. 

Halimbawa, magan o tigasin ako sa mga wagas magpasaway. Democratic naman ako sa mga responsable, disiplinado at maayos ang attitude na mga sundalo. 

Ginagawa ko rin ang mangopya ng mga leadership approaches at i-modify ito kung kailangan. Di ba ang sabi lagi ay: "Do not reinvent the wheel!" 

So, nasa isipan ko lagi ang pagkamit ng minimithing Best Company streamer sa pamamagitan ng paggamit ng tamang timpla ng leadership style. Para magkaroon ng karagdagang ideya sa aking diskarte (tama o mali), basahin ang link na ito: http://rangercabunzky.blogspot.com/2012/12/ang-paghubog-ng-aking-dugong-mandirigma.html

Nang nasa Sulu na kami, hinding-hindi ko kinalimutan ang aking nasimulang mga programa. Sa unang bugso pa lang ng aming operasyon sa Talipao, marami na akong nakitang dapat ma-correct nang mas mapaganda pa namin ang aming performance. 

Na-realize ko na namang muli na kung maganda ang patakbo sa admin functions ng kumpanya, kasunod na yong kagandahan sa accomplishments sa combat operations. 

Kung merong pagkakataon para umiskor sa combat, makukuha yon kung high-morale, well-trained at properly led ng NCOs (non-commissioned officers) ang mga sundalo. 


 Kahit nasa field kami, ni-require ko lagi sa tropa ang disiplina sa sarili, simula sa pagpakita ng magandang pag-galang sa uniporme lalo na kung makipagsalamuha sa mga sibilyan.

Ibinili ko rin ang yunit ng mga kagamitang pang-ehersisyo kagaya ng aming mini-gym equipment. Maliban sa aming unit PT activities, may kanya-kanyang inisyatibo ang mga sundalo para mapanatili ang kanilang maayos na pangangatawan.

Dahil doon, hindi ko pinabayaan ang skills training ng aking tropa. Tuwing may lull sa operations, pinagre-review ko agad sila ng basic soldiery skills. Nire-require ko ang mga Team Leaders na maging competent instructors. Inoobserbahan ko sila at pinapataas ang kumpyansa sa kanilang pamumuno.


Kuha sa larawan ang combat swimming techniques na itinuro para sa mga sundalo na ipapadala sa Scout Ranger Course. Lahat ng SR candidates ay ini-require ko na pumasa ng Pre-Ranger training na ginagawa ng aking mga trainors sa kumpanya upang masiguro na mas mataas ang tsansa nilang makapasa sa mahirap ng training.

Kuha sa larawan ang mga NCOs ng aking kumpanya na nag-aaral ng Mission Planning. Gamit ang terrain model, inaaral nila paano gumawa ng course of action (COA) para sa isang ibinigay na misyon, at i-communicate ito sa kanilang mga tauhan bilang bahagi ng Troop Leading Procedures (TLP).

                         
Ang mga NCOs ay required na magsagawa ng Team level training activities para ma-sustain ang kaalaman ng kanilang mga tauhan kagaya ng simpleng weapons maintenance procedures na makikita sa larawan na kuha sa Camp Teodulfo Bautista, Busbus, Jolo, Sulu.

 Kuha ang larawan sa Advanced Rifle Marksmanship Training na kung saan ay ni-require ko ang lahat na makapatama ng man-sized targets hanggang 250 metro. Karugtong nito ay ang Platoon level maneuver with live fire na kung saan ay ginagamitan namin ng tunay na bala ang scenarios sa combat operations kagaya ng raid, ambush at maging ang Immediate Action Drills (IAD) SOPs.

Ang mga NCOs naman ay tinuruan kong maging responsable sa kanilang admin functions. Itinuro ko sa kanila ang pag-gamit ng simpleng kaalaman na pang-opisina kagaya ng Microsoft Word, Excel at Powerpoint na kailangan para sa aming admin activities.


Ang mga training activities ay ang pamamaraan para mabigyan ng abilidad ang mga sundalo para gampanan ang kanilang mga trabaho ng buong husay. 

Dagdag na rin doon ang pag-motivate sa kanila sa pamamagitan ng MOWEL programs para maibsan ang kanilang kalungkutan at paghihirap sa pera. 

Halimbawa, meron kaming buwanang birthday celebrations para sa lahat na nagdiwang ng kaarawan sa buwan, na kung saan ay meron kaming boodlefight. 

Binuhay rin namin ang aming cooperative store at nagtayo kami ng mga vegetable gardens para mapagkuhanan ng paborito naming gulay. 

Sa mga Privates ay required ko na gayahin ang kakunatan ng mga Ilokano na talagang ang gagaling sa pag-iimbot ng perang pinaghirapan. Pinapag-save ko sila sa AFPSLAI na kung saan ay umaabot sa 20% ang itinutubo ng naiimpok na pera.

Mahigpit kong ipinagbabawal ang sugal pati ang pag-aalaga ng panabong na manok sa loob ng kampo. Shoot to kill sa akin ang mga Texas ang porma ngunit welcome ang mga pang-tinolang alaga.

Ginagawan ko ng paraan na makakauwi ang mga sundalo para makapiling ang kanilang pamilya dahil ipinagbabawal ko yong pamilya na nakikitira sa loob ng aming kampo. Isipin mo na lang ang bayaring kuryente, awayan sa kainan at maging problema paano itago ang mga kapamilya kapag inaatake ng kalaban ang kampo.

Para mapanatili ang ugnayan ng sundalo at mga kapamilya nila, sinusulatan ko pati mga kaanak o asawa nila para ipagbigay alam ang kanilang estado. Meron din kaming unit cellphone na pwedeng matawagan.
Higit sa lahat, ipinakita ko lagi ang shining example para kanilang gayahin. Open book ang aming pondo at hawak ito ng Ex-O, First Sergeant at Finance NCO na syang nag-open ng joint account sa bangko. Alam ng lahat magkano ang aming natatanggap na MOE at paano ito ginagasta. Simpleng transparency and accountability di ba?


Ang lahat ng mga bagay na iyon ay integral part sa aking pagdadala sa tropa sa gyera. Para makamit ang kahusayan, hindi panay utak pulbura lamang.

Sa lahat ng aking mga tauhan, alam na alam nila ang direksyon na gusto kong aming puntahan: Ang makamit ang estado ng kagalingan na maipagmamalaki naming lahat.

Ang tanong, makamit kaya namin ang Best-Best? Swertehin kaya kami? Ang kahusayan ba ay aming mapanatili?

(Ipagpatuloy) 

No comments:

Post a Comment

Sponsor