Friday, November 29, 2013

Ang MNLF 'Integree' sa Silangkan (Leadership Experience Part 11)





Nasa kalagitnaan ako ng aking breath pause habang inaaninag ang nag-iingay na target sa may kasukalan mga kalahating kilometro mula sa bungad ng Barangay Silangkan nang namukhaan ko ang aming target. 


"Sanamagan! Baboy damo!"

Pabulong na sambit ng Bisayang sundalo,"Ihalas!"

    (Photo is taken from the internet;photographer is unknown)


Ang laki ng baboy damo na tumawid mga 50 metro lang ang layo mula sa aming skirmishers formation. 

Parang nabuhusan kami ng malamig na tubig. Akala ko ay umaatikabong aksyon na naman laban sa mga bandido.

Napakarami kasing naglipanang baboy sa islang lalawigan ng Sulu at halu-halo ang species na andito. 

Parang maliit na kalabaw ang aking nakita sa kanyang haba at tangkad. Palagay ko ay isa yon sa variety o sub-specie ng tinatawag na Bornean wild boar na lumalangoy at tumatawid papuntang mga isla ng Sibutu sa  Tawi-tawi. 

Dahil Muslim ang 99% sa mga residente sa Sulu, di na kailangan ng conservation project dito dahil hindi naman nila ginagalaw ang mga hayop na ito. Bihira ang nagha-hunting nito na Muslim at ibinebenta sa mga Kristiyano lalo na sa mga sundalo.

Nag-reorganize kaming muli at ibinato ko sa aming Batcom sa pamamagitan ng radyo ang aming observation. Pati sila ay naka-alerto sa may likuran sakaling kalaban nga yong aming nakita.

Nang makuha ko ang kautusan na ipagpatuloy ang movement, lumakad na kaming muli. 

Bandang alas-sais na noon ng umaga nang malapitan namin ang bungad ng bahayan. Ihininto ko ang patrol mga 200 metro mula sa bahayan para makapag-recon. 

Gamit ang 10x power Nimrod sniper scope at ang Steiner binoculars, nag-scan kami sa paligid para makilatis na mabuti ang lugar. 

"Sir, merong dalawang armado. Naka-BDA uniform," sabi ni Cpl Gil Galsim, isa sa aking Team Leader at sniper.

Nakumpirma ko ang kanyang obserbasyon at minabuti kong usisahin itong mabuti. Nakita ko na ang armado ay naka-M16 Rifle at nakasuot ng pulang patch ng 1st Infantry Division. 

"Tabak patch yan. Tatsulok na pula at merong itak sa gitna," sagot ko. 

Ang patch kasi ng 1st ID ay hango sa tabak ng Scout Ranger. Ayon sa mga matatandang musang, ang nag-compose sa pinakaunang personnel ng Tabak Division sa Nueva Ecija noong araw ay mga Scout Rangers. Syempre, ayaw nilang talikuran ang pagiging Musang kaya Tabak ang ginawa nilang unit patch, bilang tanda na mga mandirigma rin sila na nanggaling sa hanay ng mga musang.

Sa aming pag-uusyoso at paninilip sa lugar, namataan din namin ang 4 pang armadong kalalakihan na samo't-sari ang mga armas. Merong naka-tsinelas, merong naka-shirt lang at merong tila ay nag-bitbit ng attache case  sa istilo ng pagdala ng kanyang baril. 

Sa bandang likuran ng pwesto nila ay merong mga naglalarong bata at matanda na tila ay nag-rerelax at ini-enjoy ang preskong ihip ng hangin ng Sulu Sea.

"Ito na po ang sinasabi. Labo-labo na. Di na malaman sino ang mga iyan," sambit ko na me halong inis kasi nasa sitwasyon na naman kami na alanganin. Problema lagi namin na alamin sino kalaban at sino hindi. 

Sa estimate of the situation, ang pakiwari ko ay hindi sila Abu Sayyaf pero maaari ding meron doong bandido na kaanak nila. Nang ikumpirma ko ang location sa mapa, nasa vicinity na kami ng 'recognized MNLF camp' sa lugar na iyon.

Dapat kong malaman kung talagang kalaban sa kahit anong paraan. Pinili kong hindi sila pagbabarilin kasi ayaw kong magsisisi sa hulihan at marami ang madadamay. 

Kaya man naming ipatimbuwang ang mga armadong kalalakihan sa unang bugso pa lang ng putok, ngunit di mapigilang merong madamay na mga inosenteng sibilyan na nagkalat sa paligid nila. 

Doon ko nabuo ang isang desisyon: lapitan ang mga armado nang harapan at sila ay kakausapin. 

Batid ko na isang sugal ang aking gagawin kaya naman ay nag-plano kami ng pamamaraan para mabawasan ang risks at masuportahan kaming maayos. 

Ang una kong ginawa ay i-marka sa mapa ang grid location ng posisyon namin sa Objective Rally Point (ORP) at ang posisyon ng napagsuspetsahang kalaban (target).

Kinausap ko ang lahat ng Team Leaders.

"Ang team ni Boni at ni Tayros ang sasama sa akin," sabi ko sa aming briefing. 

"Ang team ni Panganiban at ni Cayabyab ang support elements na dumugtong sa amin sakaling magkaputukan."

"Ang team ni Galsim at Sabarre ang mag-provide ng support by fire. Ang sniper ay dapat sa pinaka-harap na armadong mga kalalakihan ang tutok. Wag mamumutok hanggat hindi sila naunang mag-taas ng baril at kami ay paputukan," mahigpit kong bilin. 

Kampante ako na di kami lugi. Sa layong 200 metro, peanuts lang sa aking mga tropa ang magpatama ng bandido. Sa snipers, kahit palagitnaan pa ng mata ang marka ng 7.62mm round.

Ipinasa ko ang aking plano sa Battalion at nag-request ako na i-lay ang 81mm Mortar para kami ay masuportahan. Napabilib din kasi ako sa kagalingan ng mortar section ng 32nd SF Company sa una naming bakbakan. Dahil accurate at nasa 35 metro ang kill radius nito, mahiya-hiya rin yong mga makipaglaban sa amin. Kailangan lang talaga na magaling ang Fire Direction Center, ang mga operator nito at syempre, ang Forward Observer na syang mag-adjust ng fires. Kapag isa sa kanila ay palpak, mabatuktukan kami ng mortar rounds sa aming posisyon. Isa rin sa delikado sa sitwasyon namin na iyon ay nasa gun target line kaming nasa harapan. Konting palpak sa pagbigay ng range (distance), kasama kami sa mapahamak. 

Ipinagpaubaya ko na lang kay Sir Bobby Morales ang lahat kasi ito ang itinapos nya sa Fort Benning, Georgia na kung saan ay sa layong 3km ay pinapatamaan nila ang mga T72 tanks ng mortar rounds. Bahala na si Batman este si Batcom.

At the same time, naka-alerto rin ang 20th SRC na pinamunuan ni Lt Sam Yunque, ang 12th SRC na noon ay dala ni Lt Binalla at ang SF company ni Lt Nick Banzuela para kami ay tulungan sakaling balak ng kaaway na kami ay kukuyugin. Walang iwanan!

Bago namin tuluyang lisanin ang ORP, nag-bigay ako ng mga paalala sa aking mga kasama:

"Lapitan natin sila na tila ay naka-relax lang. Low carry ang baril ngunit loaded ang chamber. Dapat hindi tayo threatening sa kanila. In case paputukan tayo, skirmishers front agad at bugahan ng volume of fire habang dahan-dahan mag-execute ng break contact."

Kagaya ng dati, kailangan kong mag-emphasize ng aming number one rule:

"Kahit anong mangyari, walang iwanan!"

Ramdam ko ang na tensyonado kaming lahat habang papalapit. Sa 1st Team ako sumama at nang ako mismo ang unang makakausap ng mga armado. 

Alam kong napaka-delikado ang aming gagawin pero iyon ang nakikita kong paraan para makumpirma kung kalaban ba talaga o hindi. Di ko naman masikmura na makapatay ng 'friendly forces' at maging dahilan pa sa dagdag kaguluhan. Kasama na sa aming P240.00 combat pay at P120.00 hazard pay yong pagsuong sa panganib. 

Mga 100 metro mula sa posisyon ng mga armado, nakikita na nila kami dahil tinumbok namin ang mismong kalsada na patungo sa kanilang barangay. 

Nakita ko na kumakaway yong isa. Ang ibang armado ay pasimpleng nagtago sa likurang bahagi ng bahay, samantalang ang tatlo ay kalmado lang at lumakad paharap at sinasalubong kami. 

Nakatitig ang isa sa kanila sa suot kong 'pispis' (anting-anting) sa aking ulo. Nakita ko ring meron sya at kinilatis ko ang kanyang uniporme. Battle Dress Attire nga ng 1st ID at sya ay isang opisyal.

Naka-smile syang lumapit sa aming team at naunang nagsalita.

"Sarge, sino sa inyo ang opisyal?"

Lumingon si Pfc Dumago sa akin na tila ay ayaw namang sabihin na ako yong kanyang Company Commander. 

Binitawan ko ang aking naka-sling na AUG Steyr at  sya ay kinamayan.

"Salam brother, ako si 1st Lt Cabunoc, ang kanilang Commander."

Niyakap nya ako ayon sa kagawian ng mga Muslim.

"Alaikumusalam! Ako si 2nd Lt Aberin. Binantayan ko ang mga kaanak ko dito sa Silangkan."

Nagtataka ako paano sya nadeploy doon eh samantalang na-integrate na sya kaya dapat doon sya sa kanyang mother unit. Kasama sya sa 5,500 na mga dating miyembro ng MNLF forces na isinama sa hanay ng Army (maliban sa 1,500 na isinama sa hanay ng PNP) simula noong 1997, ayon sa nakasaad sa GRP-MNLF Peace Agreement noong 1996.

"Paano ka napunta dito? Andito ba ang unit mo nakadestino?"

Marami syang sinabi. Kesyo ayaw daw nya madamay ang mga kaanak nya sa military operations. Kesyo ni-request daw sya ni Maas (Prof Nur Misuari). 

Presko pa rin kasi sa isipan ko ang briefing sa akin ng taga intel na sa buwan ng Pebrero 2000 ay dalawa sa mga MNLF 'integree' na sina Pfc Tating Asbarin na miyembro ng 51st Infantry Battalion, 1st Infantry Division,  at si Pvt Abdun Isnari ng Marine Training Unit, ang nasawi kasama ang apat na mga Abu Sayyaf sa isang bakbakan ng mga Marines doon sa bulubunduking lugar. Mas marami namang matitino sa kanila at loyal sa AFP ngunit di maiwasan na meron ding nagpapasaway.

Alam kong merong problema sa ginawa niya kasi hindi sya nag-serve sa kanyang unit at tila, doon pa sya nag-serve sa MNLF unit sa Silangkan. Ganon pa man, wala na akong magawa doon maliban sa i-report ang aking nakita. Ang importante sa akin, di nagkaputukan. Naglabasan sa mga bahayan ang mga kalalakihan. Ang iba me baril, ang iba sumisilip lang sa bintana. 

Ang lugar pala na iyon ay parte na mismo sa 'recognized' MNLF camp. Ang labo naman kasi, di mo malaman ang hangganan ng kanilang kampo. Di ito kagaya sa Camp Aguinaldo o Fort Bonifacio na klaro ang mga outer limits nito. Dagdag pa doon, hindi naman sya hitsurang kampo bagkus ay parang karaniwang barangay lang. Ang kaibahan, may mga fox holes sa gilid ng kalsada at may running trenches ang ilalim ng bahayan. Pang-gyera ang kanilang komunidad.

Ini-report ko ang aking sitwasyon sa Battalion TCP. Sinabi ko na kami ay nasa bungad ng MNLF camp. 

Nang sumunod sa akin ang tropa ni Lt Yunque, napabulalas sya sa ganda ng dagat at dalampasigan doon. 

"Bay, parang Boracay!"

Paano naman kasi, ang pino ng buhangin at ang linaw ng tubig. Parang nag-iimbita ang tanawin sa amin para magtampisaw na tila ay nasa island resort kami.

"Okay dito bay, parang Boracay nga sa ganda. Nakakawala ng battle stress. Wag ka lang lumingon sa likuran dahil manlumo ka na makita ang gubat ng Indanan at Talipao na kung saan ay naglipana ang mga bandido!"

Napabuntong-hininga na lang ako. Nasasayangan ako sa ganda ng mga lupain na angkin ng mga apo ni Rajah Baguinda at ni Sultan Jamalul Kiram.

Kung di lang sana magulo ang lugar, dapat ay nag-aagawan ang mga turista sa buong mundo para bisitahin itong napakagandang lugar. 

Nahimasmasan ako sa aking pagmuni-muni. May misyon pa pala kami. 

"Animal ka Robot, saan ka nagtatago ha!"


4 comments:

  1. You should really write a book. Should you decide to do so please contact me. I will help you in that endeavor in what ever means necessary.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks Rod!

      Let me see if time permits and if I will be motivated enough.

      Insha Allah, that will happen. :-)

      Delete
  2. thank u sa part 11 sir,

    ReplyDelete
  3. meron pa bang part 12 sir? tnx pala sa part 11,, Caa Bacus R po ito,,

    ReplyDelete

Sponsor