Sunday, July 29, 2012

'Mahirap na misyon': Gyera na lang ako pupunta!



Sa serbisyo militar, kung anu-ano na lang ang mga 'tasking' sayo.

Kapag ikaw ay nasa Army, inaasahan na ikaw ay flexible na gumawa ng mga bagay kahit di mo to nakasanayan. Ang motto kasi namin ay "Be all you can be!".

Noong 1999, nabigyan ako ng napakahirap na trabaho ng aking Company Commander.

"Harold, pwedeng ikaw maghatid sa ating patay na ka-buddy na si Sgt RR sa kanilang bahay sa Davao?"

Pakiramdam ko dahan-dahan akong nalulunod sa kumunoy. Mahirap ang 'trabaho' na yon.
Eh, paano naman kasi, ako na rin magsabi sa mga magulang na patay na ang kanilang anak.

Kahit 'mabigat' ang task ni 'Kuya', isang masigasig na sagot ang sinabi ko, "Yes sir!".

Pero, malalim ang pag-iisip ko ng mga 'taktika'. Ano ang tamang dialogue?

Ganito ba: "Tay at Nay, ikinalulungkot ko po na naging bayani ang anak nyo".

O baka mas okay to: "Tay at Nay, patay na po anak nyo!". Sabayan ko na rin siguro ng yakap ke nanay at makiiyak na rin.

Hirap talaga. Iniisip ko pa lang, parang naluluha na ako.

Dati kong kasama na mag-operate sa Basilan ang namatay.

 Parang kelan lang ay dalawa lang kami na nasa paligid ng Al-Madina at nag-aabang ng mga Abu Sayyaf don. Kumakain kami sa isang mess kit. Palitan kaming umidlip para magpahinga. Sa bundok, sobra pa kami sa magkapatid.

Nasa malayong assignment ako ng sya ay namatay. Shocked ako sa balita na sya ay matigas nang bangkay.

Ang ginawa ko, pinauna ko si Sgt Roger P sa tahanan at sya na magsabi na may masamang nangyari sa kanilang anak, at ako na ang mag-confirm. Sa ganitong paraan, hindi gaanong mabigla ang lahat.

Saka na ako nagpatuloy sa byahe nang malaman kong andon na sya at nakahalubilo na sa mga kaanak don. Walang kamuwang-muwang ang lahat na sobra pa sa bagyong 'Rosing' ang sama ng balita na dala ko.

Nang dumating kami, di ko muna pinalapit ang sasakyan na me karga ng kabaong. Nilakad ko muna ang iilang metro at sinalubong ako ng umiiyak na nanay.

"Sir, nagkasakit sya? Nasugatan? Napilayan? Nag-AWOL?"

Nahirapan ako sa sitwasyon pero buo na ang aking isipan.

"Nay, pasensya na po pero di nya nakayanan ang sugat na tinamo. Namatay po syang isang bayani."

Talon nang talon si Nanay. Hinawakan ko ang kamay.
"Nasaan sya? Sigurado ka bang patay na sya?"

Sumenyas ako sa aking mga kasamahan. Pinababa ko ang kabaong at binuhat papunta sa kanilang bakuran.

Panay hiyaw na ang narinig ko. Galit na galit ang iba. Kinausap ko ang tatay na maging mahinahon at sya ang mag-control ng mga kaanak.

Tumingin ako ng escape and evasion route pag may mag-amuck.

Sa awa ng Diyos, humupa ang lahat pagkatapos ng iilang oras. Ikinuwento ko ang karanasan namin ng anak nila.

Nakita nila sa album ng aking sundalo ang mga pictures namin sa Kapatagan Grande. Nabawasan ang kanilang paghihinagpis.

Ganyan kahirap ang trabaho ng Survivor Officer o NCO. Sila ang nagpupunta sa mga tahanan upang ihatid ang balita tungkol sa mga nasawing sundalo. Sila rin ang tumutulong sa processing ng lahat na benepisyo na matatanggap ng mga kaanak ng nasawi.

Mahirap yon.

Hangga't maaari, ayaw ko nang umulit; sa gyera na lang ako pumunta.





1 comment:

  1. naalala ko tuloy sir yung movie na Taking Chance tapos The Messenger. kay hirap pala sabihin sa magulang ng nasawi kung ano ang nangyari. que kilala mo o hindi, napakahirap pa rin maging tagapagdala ng masamang balita. saludo ako sir sainyo at sa iba pa na ipinapakita sa mga kapamilya ng nasawi na hindi sila papabayaan.

    ReplyDelete

Sponsor