Saturday, May 5, 2012

Map Reading and Land Navigation Exercise

Ang map reading at land navigation ay kasama sa mga subjects na itinuturo sa mga Scout Rangers. 

Bawat trainee ay dapat makapasa sa land navigation exercise na ginagawa sa bulubundukin at masukal na lugar, na kung saan ay maraming 'nawawalang' mga estudyante sa kakahanap ng mga 'targets' na pinapatukoy sa kanila base sa terrain features.

Maraming mga dahilan kung bakit nawawala sa ibinigay na 'targets' ang mga trainees. Ang iba ay nalilito sa magkakaparehas na korte ng bundok at nahihirapan sa tinatawag na distance estimation.

Samantala, kahit magaling sa map reading at terrain anaylysis ay 'nawawala rin' sa kanilang targets. Ito ay dahil sa mga 'enterprising' na mga magpapastol ng kalabaw sa lugar.

Ako ay pawisan na sa kakahanap, paikot-ikot sa isang hill na alam kong syang kinaroroonan ng aking target sa malawak na bulubunduking lugar ng Tanay Rizal dahil talagang wala sa dapat kinaroroonan ang aking target. 

Paubos na ang aking taning na oras nang ako ay sinipulan ng isang batang nagrerelax sa puno ng mangga. 

Nakangiti sya ng aking nilapitan, habang ako ay pagod, hinihingal at naliligo sa aking pawis.

"Sir, P10.00 na pang halo-halo lang yan, makikita mo hinahanap mo!"

"Bakit, marunong ka ba ng map reading?". Parang maiinsulto ata ako kung mas marunong pa sya sa akin.

"Hindi sir, itinago ko sa ilalim ng batong iyon ang hinahanap mo!". 

Naiinis man, binigyan ko ng pabuyang sampung piso ang damuho. 

Pero, hindi ata natapos don ang kalbaryo ko. Dahil na-late akong dumating sa time limit na ibinigay, ako ay kasama sa mga pinag-retake.

At, tila parang binubudburan pa ng asin ang aking 'sugat' (sama ng loob), humirit pa si Sergeant Ropero, ang aming magaling na Ranger Instructor sa aming mga 'reta-kee boys'.

"Rangers, mahiya kayo sa sarili nyo," ang kanyang pambungad na pananalita. 

"Mga tao kayo, matatalinong tao. Ang alaga ko ngang baboy, pag pakawalan ko limang kilometro mula sa bahay ay nakakabalik. Marunong sila ng map reading at land navigation!"

Tinawanan na lang namin ang aming 'kapalpakan'. (Damuhong magpapastol!)


No comments:

Post a Comment

Sponsor