Noong nasa Sulu kami ng taong 2000, ang paborito na resupply point ng mga Scout Rangers ay ang barangay ng Taglibi sa bayan ng Patikul.
Unang-una, malakas ang bulwak ng tubig don na animo'y ginagamitan ng water pump. Maganda rin ang beach kaya lang ay tinirikan ng bahay ng mga katutubong Badjao. Nakakapagtanggal ng battle stress ang kagandahan ng dalampasigan, huwag ka lang lumingon sa battlegrounds sa bandang kagubatan.
Noong una ay aloof ang mga tao sa aming mga sundalo. Ngunit, merong mga kalalakihang palakaibigan dahil marami nang mga sundalong kanilang nakasalamuha sa mahaba nang panahon sa mga bakbakan sa bulubunduking lugar ng Patikul na syang pugad ng mga kilabot na bandidong kagaya ni Radulan Sahiron.
Isang araw, napag-usapan naming mga Company Commanders (15SRC, 19SRC,7SRC, 12SRC, 1SRC at ang aking pinamunuang 10SRC) na magsagawa ng 'Operation Tuli' ayon na rin sa request na ipinaabot ng mga kaibigan naming kalalakihan.
Ayon sa kanila ay hindi sapat ang pagka-'Islam' sa kanila. 'Islam' kanilang terminolohiya sa pagtuli.
Ang ginagawa diumano ng nagtuli sa kanila ay sinugatan lang ng konti ang kanilang "birdie" at dineklarang olrayt na ang pagkatuli sa kanila.
Nang maikumpara nila ang sistema ng pagtuli sa kanilang mga kapatid na Kristiyano, ninais nilang gayahin ang mga ito.
Dahil don sa masugid nilang pakiusap na matulungan sila, nagkaroon kami ng pagtutuli na dinumog ng mga binatilyo at meron ding iilan na mga may asawa na.
Hindi pa raw huli ang lahat. Paika-ika silang umuwi sa kanilang mga tahanan pagkatapos ng 'operasyon' na isinagawa ng aming combat medics.
Cobra looks
Nang bumalik kami sa lugar pagkatapos ng isang linggong pamamalagi sa kagubatan ng Bud Bagsak at Tunggul, merong dalawang lumapit sa aking medical aidman. Dinala nya ang mga ito sa aking pwesto.
Nag-request diumano ang dalawa na i-'retake' ang pagtuli. Nabigla ako at sabi ko ay mahabang "bakeeeeeeet?". (Ang sakit kaya ng hiwain uli)
"Sel (Tausug pronunciation for 'Sir'), nakita ko kasi ang gawa ni Sgt Dimas ng 15SRC at ito ay maganda. Gusto ko yon!"
"At ano naman yon Akmad?" ang aking tanong.
"Sel, ang porma ay cobra! Mas magandang tingnan!", nakatawang sabi nya.
Para mapasaya sya, pinahiwa ko uli sa aking medical aidman para maging kasing hitsura ng cobra ang hitsura ng pangtuklaw nya. Kahit namimilipit sya sa sakit ay nakatawa syang umuwi kasama ang kanyang pinsan.
Mission accomplished ang aking medical aidman. Napakasimple lang pala ang kahilingan ng aming mga kaibigan.
(Napamahal ang mga Scout Rangers sa mga mamamayan ng Taglibi dahil itinayo rin namin sila ng public toilets sa naturang lugar)
No comments:
Post a Comment